31 lang napakulong sa 54,000 trafficking
IPINAGBUBUNYI ng administrasyong Aquino ang pagtanggal ng Pilipinas mula sa Global Human Trafficking Watch-List ng US State Department. Sa loob daw kasi ng isang taon ng panunungkulan, 31 human traffickers ang naipakulong ng bagong pamunuan. Hinigitan nito ang 29 na isinakdal sa loob ng pitong taon ng nakaraang gobyerno.
Tila hindi maipagmamalaki ang 31 kaso. Ito ay kung paniniwalaan ang press releases ng Bureau of Immigration ukol sa papel sa pasugpo ng human trafficking. Umano, 54,000 “turistang” Pilipino ang pinigilan nilang umalis sa international airports mula Agosto 2010. Pinaghinalaan nilang biktima ng human trafficking ang 54,000. Karamihan daw dito’y papalipad sa Hong Kong, Singapore at Bangkok, mga jump off point patungo sa unregistered jobs sa Middle East at Europe. Doon, maari sila gawing alipin o abusuhin dahil peke o kulang-kulang ang work papers.
Kaya raw nabisto nilang “fake tourists” ang 54,000 ay dahil hindi makapagpakita ng tatlong dokumento: libreto de bangko at income tax return na magpapatunay na kaya nilang tustusan ang pagbibiyahe, at work certificate na tunay ang trabaho sa abroad. Aba’y kahibangan ito! Kung turista ka, bakit ka naman magdadala ng ganoong mga papeles? Ni wala namang abiso ang BI na dapat magbitbit ng gan’un ang mga bakasyonista. Credit cards at cash lang ang dala siyempre ng turista.
May mga angal na pinipigilan sa Immigration counter sa airports ang mga mukhang “probinsiyano”: Bihis loshang, maitim ang balat, matigas ang punto. Nang hingan ng katibayan na turista, nagpakita ng cash ang iba, kinikilan ng P5,000-P50,000, at pinalusot. Baka naman hindi nakapag-“lagay” ang 54,000 kaya in-offload mula sa flight? Sino at nasaan ang 54,000 “biktima”; bakit walang nakasuhan kundi 31 lang?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending