^

PSN Opinyon

'Katayan!'

- Tony Calvento -

WALANG SIGA sa palengke! Mga kinatay na binti ng baka at baboy. Mga giniling na laman. Mga ginilitan na manok. Mga matutulis na kutsilyo at itak. Kapag sumiklab ang gulo siguradong dadanak ang dugo at may mapapahamak.

IKA-19 ng Agosto 2005… ‘birthday’ ni Jeff Persiveranda.

Dalawampu’t tatlong (23) taong gulang na siya. Nagpainom si Jeff sa mga kaibigang kagaya niya ring nagtitinda sa bangketa.

Alas 4:00 ng hapon pa lang simula na ang tagayan. Nagtuloy-tuloy ang inuman hanggang mag-gabi. Si Jeff naman pumunta sa kanyang pwesto sa Pinagbuhatan, Pasig bandang alas syete y’ medya para magbantay ng kanyang panindang gulay.

Umupo siya at nagmasid sa paligid habang binibilang ang dami ng mga suking bumabati sa kanya. Napalitan ng gulat ang masayang araw ni Jeff ng makita ang isang lalakeng may dalang kutsilyo. Masama ang tingin at papalapit sa kanya.

Nagsadya sa aming tanggapan si Persiviranda “Percy” Layacan ina ni Jeff o Jeffrey. Anim na taon na ang itinakbo ng kasong sinampa niya laban kay Ronel A. Geraldo subalit hanggang ngayon hindi pa rin niya makuha ang hustisya sa pagkamatay ng kanyang anak.

Pangalawa sa apat na magkakapatid si Jeff. Bata pa lang si Jeff mulat na siya sa buhay ng kalye dahil sa pagtitinda. Ang ina niyang si Percy at amang si Jesus ay dati ng may pwesto sa palengke ng Pasig.

Hayskul si Jeff ng matutong magtinda ng gulay sa palengke. Mula sa baryang kitang ibinibigay ni Percy sa anak bayad sa pagbabantay ng kanilang pwesto, nawili si Jeff magtrabaho. Sa halip sa eskwelahan, palengke ang naging mundo ni Jeff.

Hindi lang pagiging tindero ang pinasok niya. Namasada ng tricycle nilang gamit sa tindahan itong si Jeff. Mabilis ang naging takbo ng buhay ni Jeff kasing bilis din niyang nabuntis ang kinakasamang si “Jen”. Sa edad na 18 anyos ama na siya.

Bumukod at nagsarili ang pamilyadong binata. Sa loob ng limang taon apat ang kanilang naging anak.

Madiskarte, masipag… subsob sa trabaho. Iyan ang katangiang meron si Jeff ayon kay Percy.

Kahit may okasyon walang tigil sa trabaho si Jeff. Ika-19 ng Pebrero 2005 ika-23 kaarawan niya... nagpainom si Jeff sa mga kaibigan. Kahit birthday tinipid niya ang oras ng selebrasyon dahil tuloy ang pakyawan ng gulay sa palengke. Bandang alas 7:00 ng gabi iniwan ni Jeff ang mga kaibigan.

Pinagsasaksak siya ni Ronel, isa ring vendor sa hindi malamang kadahalinan. Nagtamo ng pitong saksak si Jeff. Apat na saksak sa harapang bahagi ng kanyang katawan. Mga tama sa siko, dalawang tama sa dibdid at isa sa ibabang bahagi ng leeg sa bandang kaliwa. Tatlong saksak naman ang tama niya sa likod.

Sa loob ng anim na taong tinakbo ng kasong ito hindi pa rin umano malinaw kay Percy kung ano ang motibo ng pagpaslang sa kanyang anak.

May mga nagpresentang tutulong sa kanya sa kaso at ipinagkatiwala niya ang mga orihinal na dokumento subalit pagkakuha ng pera basta na lamang iniwan siya ng mga ito. Ang mga sumusunod ay base sa salaysay ng mga testigong nakakita ng pananaksak:

Sa sinumpaang salaysay na binigay ni Cristina Balidio tindera nila Percy bandang 7:15 ng gabi, magkasama sila ni Jeff sa harapan ng kanilang pwesto sa Brgy. Pinagbuhatan tapat ng Farmacia Peralta.

Nakita ng kanyang asawa na paparating si Ronel na may bitbit na kutsilyo. Dumaan siya sa loob ng babuyan. Sinabihan siya ng asawa na salubungin na si Ronel para sabihin na ayos na at humingi na ng pasensiya si Jeffrey sa asawa ni Ronel.

Umikot lang si Ronel at hinabol si Jeff . Nang maabutan niya ito, inundayan ng saksak pa rin ni Ronel. Nakabulagta na si Jeff sinaksak pa rin siya ni Ronel.

Pinatotohanan naman ito ng mga testigong sina Catherine Del­fino, Marlyn Olicia at Salvacion Quiapos pawang mga nagtitinda rin sa palengke. Nanakbo umano si Jeff subalit hinabol siya’t walang tigil na pinagsasaksak ng suspek.

Dagdag pa ni Percy ayon sa mga saksing ayaw magpakilala dinampot pa umano ng anak ang kanilang timbangan pansalag subalit wala pa rin siyang ligtas sa noo’y galit na galit na si Ronel.

Rumusponde ang mga pulis Pariancilo Park, Pasig na sina PO1 Joseph Bayot at PO2 Abelardo Jarabejo matapos magsumbong ang isang residente. Naabutan nila ang noo’y puro dugong si Ronel. Mabilis siyang dinala sa presinto at kinulong. Na-recover ang isang ‘13-inch kitchen knife’ na ginamit sa pansaksak ni Ronel.

Isinugod sa Rizal Medical Center si Jeff subalit ‘dead on arrival’ ito. 

Nagsampa ng kasong Murder si Percy sa Prosecutor’s Office, Pasig. Mula sa kasong Murder na-down grade ito sa kasong 'Homicide’ ng taga-usig.

Base sa resolusyon, bago pa mangyari ang pananaksak sinipa ni Jeff ang paninda ng asawa ni Ronel. Dito nakita ng eye witness na si Cristina Balidio na hinabahol ng suspek ang biktima. Maya-maya si Jeff naman ang humabol. Nadatanan na lang niya sinasaksak na ni Ronel si Jeff. There’s no evidence presented to establish the alleged qualifying aggravating circumstances of evident pre-meditation and abuse of superior strength to qualify the case from homicide to murder.

Walang sapat na motibo na magpapatunay na planado ang pagpatay.

Sa ngayon nasa Korte na ang kasong ito. Nakapagpiyansa naman si Ronel sa halagang Php50,000 para sa pansamantalang paglaya nito.

Sa hinaba-haba ng panahon isang bagay lang ang gusto ni Percy. Ang hustisya para sa pagkamatay ng anak. Halos masaid na ang pag-asa ni Percy dahil ayon sa kanya mismo ang Prosecutor na may hawak sa kaso nila sumuko na umano.

“Magpabayad na lang daw ako ng singkwenta mil sabi ni Prosec Romana Reyes. Matatalo rin naman daw kami sa kaso. Paanong matatalo, kami na nga ang nadehado. Patay ang anak ko!”, ayon kay Percy.

Wala ng ibang mapagkatiwalaan si Percy. Lahat ng nilalapitan niya kulay ube umano ang tingin sa hinihingi niyang hustisya. Ito ang dahilan kung bakit nagsadya siya sa amin.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Percy.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa mga tama pa lang ng saksak sa biktima malinaw patraydor (treachery) na tinira ang biktima. Hindi pa ba sapat ang sabihin ng mga testigo na tumatakbo na ang biktima, hinabol pa ito at tsaka inundayan ng saksak? Hindi pa ba sapat ang labing tatlong saksak (13 stab wounds) para makitang ‘aggravating circumstance’ ito para maging murder ang kaso?

Hindi pa huli ang lahat para mag-apila itong si Percy kaya’t bilang agarang aksyong pinapunta namin siya sa tanggapan ni City Prosecutor Jack Ang ng Pasig Prosecution Office.

Maliban pa rito inirefer namin siya kay Atty. Alice Vidal ang Presidente ng UE Law Alumni Association at Director ng Commission Bar Discipline ng Integrated Bar of the Philippines(IBP)para maasistehan sila sa kaso.  

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

JEFF

NIYA

PASIG

PERCY

RONEL

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with