Dinaya: Eleksiyon at kabang-bayan
NU’NG December 30, Rizal Day, 2002, nag-anunsiyo nang malaki si Gloria Arroyo. Hindi raw siya tatakbong Presidente sa halalang Mayo 2004, para sa kapakanan ng bansa. Umano, ang pag-angat niya sa Panguluhan nu’ng Enero 2001, nang i-People Power-2 si Joseph Estrada, ay naghahati sa mga Pilipino. Ehemplo ang EDSA-3 nu’ng May 2001.
Hindi tumupad sa salita si Arroyo. Kumandidato siya nu’ng 2004 miski nagka-Oakwood Mutiny nu’ng July 2003. At, batay sa bagong rebelasyon ni police Sr. Supt. Rafael Santiago, dinaya ni noo’y-First Gentleman Mike Arroyo ang resulta. Umano, nu’ng January-February 2005 sumapi ang Special Action Force ni Santiago sa pagnakaw ng 6,000 election returns na nakalagak sa Batasan. Pinalitan nila ito ng pekeng ERs para palamangin nang 1.2 milyong boto si Arroyo kay Fernando Poe Jr. ‘Yun din ang dami ng boto na ipinahimas ni Arroyo kay Virgilio Garcillano ng Comelec nu’ng 2004, na nahuli sa “Hello Garci” wiretaps.
Dinaya na ang eleksiyon, winasak pa ang soberanya ng Pilipinas. September 2004 nang pirmahan nina Arroyo at Chinese President Hu Jintao sa Beijing ang Joint Marine Seismic Understanding. Kunwari magtutulungan ang Pilipinas at China sa pag-explore ng “disputed waters” sa South China Sea, ibig sabihin Spratlys. Pero batay sa coordinates, Recto Bank sa gilid ng Palawan, sakop ng teritoryo ng Pilipinas, ang in-explore. At batay dito, nagdeklara ang China nu’ng 2009 na sa kanila ang buong South China Sea, kasama ang Recto Bank.
Winasak na ang soberenya, kinulimbat pa ang kabang-bayan. Kapalit ng JMSU, nagpautang ang China ng $2 bilyon taon-taon para sa mga proyektong may 20% “tong-pats”: Northrail, Southrail, NBN-ZTE, Diwalwal-ZTE, at dose-dosena pang iba.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending