MALIBAN sa pagpapaunawa kung bakit kinakailangang i-postpone ang halalan sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) walang binanggit si President Aquino tungkol sa peace process sa Mindanao sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 25.
Ni hindi man lang nabanggit ni P-Noy kung ano ang binabalak ng kanyang administrasyon sa masalimuot na peace and order situation at ang mga threat groups na nakakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Mariing pinabulaanan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) chief negotiator Mohager Iqbal na walang tiyak o definite na peace policy ang Aquino government kung pagbasehan man ang pangalawang SONA ni P-Noy.
Hayan, buong yabang na ipinakita ng Sayyaf ang kanilang bangis sa pagpugot ng ulo ng lima sa pitong Marines na pinatay nila noong Huwebes. At kailan lang din ay inaakala ng marami na wala na ngang lakas at lupaypay na ang Sayyaf.
Sa pagpugot ng ulo ng Sayyaf, buong bansa ang niyanig. Kaya kung anumang problema meron dito sa Katimugan ay naaapektuhan din ang Pilipinas bilang isang bansa.
Sinabi na ni P-Noy na ang sakripisyo ng mga namatay na Marines ay hindi masasayang dahil nga pagsisikapan nitong maging matagumpay ang kasalukuyang peace process.
Nasa harapan na ni P-Noy ang problemang dulot ng Sayyaf. Kailangang harapin ito ng buo ang loob at hindi ito ipinagpaliban sa ibang panahon.
Magsisimula na ang Ramadan ngayong Lunes. Makikita ngayon kung totohanan nga bang tugisin ng Armed Forces of the Philippines ang Sayyaf hindi lamang dahil sa karumal-dumal na ginawa nito sa kanilang kasamahang Marines ngunit dahil kailangan na talagang lipulin ang mga salot sa lipunan tulad ng Sayyaf.
Dapat tatakbo papalayo ang Sayyaf at hindi si P-Noy ang tatakbo papalayo sa problema.