ISANG Police Officer ang nag-sorry kahapon sa buong bansa at sa pamilya ng yumaong aktor na si Fernando Poe Jr. Kasi ipinahiwatig niya na ang lehitimong nagwagi sa halalang presidensyal noong 2004 ay si FPJ, kung hindi “nadagdag-bawas.”
Umamin si Sr. Supt. Rafael Santiago sa tanggapan ng DOJ na kasama siya sa mga inutusan ng nakalipas na administrasyon para manipulahin ang resulta ng eleksyon upang pumabor kay Gloria Macapagal Arroyo.
Magiting na nagpunta kahapon sa Department of Justice (DOJ) si Santiago at limang iba pa na umaming sangkot sa ballot switching.
Kung hindi pala nakalusot ang pandaraya ay si FPJ ang mailuluklok na Pangulo. Kaso ang masaklap ay maagang mauulila ang Pilipinas dahil mamamatay siya sa puwesto. At kung mangyayari iyan, eh di si Kaba-yang Noli de Castro na bise presidente ang magiging Presidente nang mga panahong yaon. Ito’y pag-aanalisa lang at hindi ko hinuhusgahang nandaya nga si GMA na ngayo’y Pampanga Representative. Naku, katatapos lang ng isang maselang operasyon sa gulugud ni Ate Glo. Dapat iwas muna siya sa panonood ng TV at pagbabasa ng diyaryo dahil makasasama ang stress sa panahon ng kanyang pagpapagaling.
Humarap din sa DOJ para magharap ng sinumpaang salaysay kay Justice Secretary Leila De Lima sina PO2 Rudy Gajar, Alan Layugan, Rodel Tabangin at Triffon Laxamana at PO1 Norman Duco, pawang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP).
In fairness, sinabi ng mga pulis na ito na sumusunod lang sila sa atas ng nakatataas sa kanila. Iyan ay si dating PNP Chief Ebdane na kasama ring nalalagay sa hot water. Ani Santiago, hindi sila nakatanggi sa utos sa kanila noon dahil sa kultura ng Special Action Force na sumunod muna bago sumuway. Pero kung alam mong ganyan katalamak ang mali, as a matter of principle, mag-resign ka na lang.
Kaso lang natatakot daw silang mapahamak ang kanilang mga pamilya kapag pumalag sa lisyang kautusan. Sigaw naman ng kampo ni GMA, puro “hearsay” ang mga ebidensya laban sa kanya. Sabi ng barbero kong si Gustin “Totoong hearsay. We heard her say…Hellooo Garciii.”