Refill
NAGSALITA na ang mga taong nasa likod ng isang bilyong pisong halaga ng kape na ginastos umano ng PAGCOR sa loob ng ilang taon. Ayon kay dating PAGCOR chairman Ephraim Genuino, hindi raw kumpleto ang mga binigay na impormasyon kay President Aquino tungkol sa operasyon ng PAGCOR, partikular sa kape. Ang sabi ni Genuino, ang isang bilyong piso na ginastos ng PAGCOR ay tama, pero ito ay kabuuang gastos ng 13 casino na pinatatakbo nito, sa loob ng siyam at kalahating taon. Ayon sa kanya, lalabas na 10 tasa ng kape lang iyan, sa loob ng isang oras na operasyon sa bawat casino.
Nagsalita na rin si Lot Manalo-Tan, ang nagpapatakbo ng coffee shops sa mga casino. Siya ay asawa ng kaibigan ni Genuino. Ayon sa kanya, mali ang impormasyon na binigay kay Aquino. Tama yung halagang isang bilyong piso (higit pa nga ng konti), pero iyon ang kabuuang gastos ng pitong coffee shop na pinatatakbo niya sa pitong casino. Sa kanyang pagpapatuloy na paliwanag, lalabas na 17 tasa ng kape lang iyan, sa loob ng isang oras na operasyon sa bawat casino. Sino ngayon ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa? Si Genuino, 13 casino raw, si Manalo-Tan, pitong casino raw.
Kung totoo na mali ang impormasyon na binigay kay Aquino, malaki ang kailangang ipaliwanag ng kasalukuyang PAGCOR administration. Kung titingnan nga naman ang mga numero, hindi naman masama ang presyong lalabas para sa bawat tasa ng kape, lalo na’t isang kilalang tatak ng kape ang hinahanda para sa mga patron ng casino. Maaaring mas mahal kaysa sa mga 3-in-1 na kape na puwedeng bilhin, pero halos ganun nga ang presyo ng branded na kapeng ito sa labas at mga hotel. Pero may mga problema pa rin.
Bakit hindi nagtutugma ang kanilang bilang ng mga casino kung saan hinahanda ang kape? Doon pa lang, puwede nang magtanong ang mamamayan. Ang sabi nga nila, ang isang ma-galing na kasinungalingan ay may halong konting katotohanan. At bakit kailangang ibahin ang pa-ngalan ng nagpapatakbo ng coffee shops? Siya mismo ang nagsabi na kaya niya ginawa iyon, ay para wala nang mag-isip na nakuha niya ang kontrata dahil kaibigan ng asawa niya si Genuino. Hindi raw kailangan ng bidding. Ewan ko, pero ang alam ko, lahat ng ahensiya ng gobyerno ay dapat nilalagay sa bidding ang anumang kontratang ibibigay sa pribadong kompanya. Pero iyon nga, nalaman din, at napasama pa ang kanyang ginawang pagtatago dahil sapat na para isipin na mas pinaboran na siya ang makakuha ng kontrata. Kumita raw siya ng limang milyong piso kada taon, sa loob ng siyam at kalahating taon. Hindi nga masama, pero siya lang ang kumita sa kahabaan ng termino ni Genuino. Wala nang nakapasok. Sino pala ngayon ang may mga “kaibigan, kakilala, kakape”? At sa mga numero na pinakita sa media, kapansin-pansin din na halos triple ang gastos para sa kape noong 2004 kumpara sa 2003, at doble naman noong 2005 kumpara sa 2004. Napalakas ba ang konsumo ng kape dahil eleksyon?
Tama si Aquino sa kanyang pagbanggit sa isyung ito sa SONA. Ang isang kontratang maayos sa gobyerno ay hindi pagtataasan ng kilay. Sa isyung ito, lahat ng kilay ay nakataas. O dahil lang ba sa dami ng kape iyon?
- Latest
- Trending