NOON pa, marami nang nauuhaw sa pagkakaroon ng bagong Ombudsman. Masyadong natuyo ang lalamunan ng sambayanan sapagkat ang dating namumuno sa Office of the Ombudsman ay hindi nagampanan nang maayos ang tungkulin. Sa halip na maging tagapagbantay at tagapagtanggol ng sambayanan, ang binantayan ay mga taong pinagkakautangan ng loob. Nawala ang tunay na layunin kung bakit may tanggapan ng Ombudsman. Naging dekorasyon na lang ang tanggapan kaya kaliwa’t kanan ang mga katiwaliang nagaganap sa pamahalaan. Wala nang kinatatakutan sapagkat “sunud-sunuran” ang Ombudsman.
Nang mag-SONA si President Noynoy Aquino noong Lunes, isa sa mga matagal na pinalakpakan ay nang ihayag niyang si retired Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales ang bagong Ombudsman. Inabot din ng halos tatlong buwan bago nakakuha ng kapalit ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez na nagbitiw noong Abril 29, 2011 makaraaang ma-impeached ng House of Representatives.
Sa pagkakahirang kay Carpio-Morales bilang bagong Ombudsman, biglang nagkaroon ng liwanag sa lambong ng mga maiitim na ulap. Ang nawawalan ng pag-asa ay biglang nagkaroon ng sigla. Maraming umaasa na ang mga “inupuang kaso” ni Gutierrez ay ipagpapatuloy na halungkatin ni Carpio-Morales. Ang mga kasong matagal nang hinihintay na magkaroon ng kalutasan at lilitaw na ang katotohanan.
Maraming kontrobersiyang kaso na “inupuan” si Gutierez. Kabilang dito ang P728 million fertilizer fund scam, ang Euro general case, ang 2004 Mega Pacific deal, ang NBN-ZTE deal, at ang Philip Pestano case. Sa loob nang mahabang panahon, walang nangyari sa mga kaso. Si dating President Gloria at asawang Mike Arroyo ay sangkot sa NBN-ZTE subalit inabsuwelto ng Ombudsman. Ang kaso ng mga police general na bagama’t may umamin ay walang ginawa ang Ombudsman para sampahan ng kaso. Ang kadudadudang pagkamatay ni Navy Officer Pestano ay wala ring nangyari.
Umaasa ang sambayanan sa mga gagawing pagkilos ni Carpio-Morales. Maraming naniniwala na babantayan niya ang kapakanan ng mamamayan. Umaasa na pananagutin niya ang mga nagsasamantala sa pondo ng bayan at wala siyang kikilingan.