HABANG nasa puwesto si PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo, magiging pugad ng pasugalan ang Batangas na kanyang probinsiya. Hindi niya masawata ang peryahan ni alyas Tessie at wala rin siyang magawa sa jueteng operations ng isang alyas Cesar Sabili sa Lipa City. Ang jueteng sa Lipa City ay kinokondena ng mga religious at civic groups subalit nagbingi-bingihan lang sa reklamo si Sr. Supt. Rosario Acio, ang provincial director ng PNP sa Batangas. Kaya tama lang ang pagyayabang ni alyas Christopher Mendoza, ang may hawak ng intelihensiya ng jueteng ni Sabili, na walang kahit sino man na makakapagsara ng kanilang jueteng operation “dahil pitsa lang ang katapat nila.”Ang tinutukoy kaya ni Mendoza ay ang PNP? Ibig bang sabihin nito nasa payroll ng jueteng ni Sabili sina Bacalzo at Acio?
Ayon sa mga kausap ko sa Calabarzon police, si Sabili ay kapatid ni Lipa City Mayor Meynard Sabili. May katwiran din palang magyabang si Mendoza. Ang jueteng sa Lipa City ay nakatago sa Small Town Lottery (STL). Ipinasara na ng gobyerno ni P-Noy ang STL subalit ginagamit pa ito sa jueteng operations sa Lipa City. Get’s mo Calabarzon police director Chief Supt. Gil Meneses Sir?
Kung sabagay, hindi ko maakusahan si Meneses na kinokunsinti niya ang jueteng ni Sabili dahil ni-raid na ito kamakailan ng Regional Special Operations Group (RSOG) at marami silang nahuli. Subalit matapos ma-inquest ang mga inaresto sa prosecutor’s office ng Lipa City, aba pinakawalan ang mga ito. Siyempre, ang suspetsa ng pulisya me magic na ginamit dito ang kampo ni Sabili dahil sa impluwensiya ng butihing mayor ng siyudad. Ano sa tingin n’yo mga suki?
Sinabi pa ng kausap ko na aabot sa P3 milyon kada araw ang kubransa ng jueteng ni Sabili. Kaya pala kahit mahigpit ang pagbatikos ng Catholic at civic groups ay patuloy pa ang operation nito. Sino ba naman ang aayaw sa P3 milyon? Ang maintainer ng jueteng ni Sabili ay si alyas Roger Dulinger. Kung bukas ang palad nina Bacalzo at Acio sa jueteng ni Sabili, ganun din kaya kay Supt. Alex Mariano, hepe ng pulisya sa Lipa City? Tiyak yun! Yan ang sagot ng mga kausap ko.
Kung si Acio ay nagtatamasa sa jueteng ni Sabili, ganundin sina Sr. Supt. Manuel Prieto at Sr. Supt. John Bulalacao, ang hepe ng Rizal at Cavite. Patuloy pa rin kasi ang pag-oorbit ng kolektor ni Prieto na si SPO4 Rudy Abion at ang kay Bulalacao ay sina SPO1 Manuel Garcia, Rico Posadas at Landong Bulag, na umano’y taga-DZRH. Abangan!