Retirement benefit paano bibilis kung.

NASASALANG sa kontrobersya ang dati kong kapitbahay at Caloocan City Mayor Recom Echiverri dahil sa reklamo ni Vice Mayor Edgar Erice na hindi pagre-remit sa GSIS ng kontribusyon ng empleyado sa City Hall. Giit ni Mayor na regular ang remittance sa kontribusyon ng mga empleyado pero ang problema ay ang palpak na computer system. Nakakuha ng 60-araw na temporary restraining order sa korte si Echiverri sa ipinataw na 6-buwang suspension sa kanya. Kung may katotohanan ang mga alegasyon sa kanya o simpleng pamumulitika, lilitaw din ang katotohanan sa imbestigasyong mangyayari.

Ang problema lang, kapag nasuspinde ang isang alkalde at nag-take-over ang bise, malaking sagabal iyan sa maayos na pagpapatakbo ng pamahalaan. Umaasa akong mareresolba sa pinakamabilis at makatarungang paraan ang usaping ito komo ako’y isa ring mamamayan ng Caloocan.

Grabe! Marami palang kaso ng hindi pagre-remit ng kontribusyon ng mga kawani sa gobyerno. Hindi lang sa mga bayan at lungsod kundi kahit sa ibang opisina ng gobyerno gaya ng Philpost na halos kalahating bilyong piso umano ang atraso sa GSIS ayon sa report. Hindi lang sa gobyerno kundi pati sa mga pribadong kompanya ay may ilang employers ang nabibinbin ang remittance ng SSS contributions. Ang kawawa ay yung mga ibig mag-loan at yung mga magreretiro.

Heto naman ang good news mula sa Palasyo. Mas maaga na raw matatanggap ng mga magreretirong tauhan at empleyado ng gobyerno ang kanilang mga benepisyo sa paglalagda ni Pangulong Noynoy Aquino sa Republic Act (RA) No. 10154 noong nakaraang ika-15 ng Hulyo. Ang batas ay ang pagbibigay ng mga benepisyo 30 araw makaraan ang aktuwal na petsa ng pagreretiro ng isang tauhan o empleyado ng gobyerno.

Mayroon ding itinatadhanang parusa para maiwasan ang hindi makatarungang pagkaantala ng mga naturang benepisyo. Sa ilalim ng batas, ang employer-agency, Govern­ment Service Insurance System (GSIS), Home Deve­lopment Mutual Fund, at Department of Budget and Management ay inaatasan na tiyakin na lahat ng benepisyo ng isang magreretirong manggagawa ng estado na maibibigay nang nasa oras.

Maganda sana ang diwa ng batas na ito pero papaano nga kung ang dahilan ng pagkabinbin ng benepisyo ay ang mga pasaway na employer na hindi nag-reremit ng kontribusyon? Higpitan pa marahil ang batas laban sa ganitong mga employer sa gobyerno man o pribadong sector.

Show comments