Editoryal - Hindi maka-loan sa GSIS
SOBRA na ang ginagawa sa government workers. Pati pangungutang nila sa Government Service Insurance System (GSIS) ay hindi maaprubahan dahil hindi inireremit ng kanilang ahensiya ang contributions. Kinaltas na sa kanilang suweldo ang contributions pero hindi naman pala inire-remit sa GSIS. Umaasa ang mga empleado ng gobyerno na meron silang malo-loan sa oras ng pangangailangan pero wala pala. Napakasaklap naman nang nangyayaring ito sa mga empleado ng gobyerno. Karampot na nga lang ang kanilang suweldo pati pala contributions nila sa GSIS ay dinidispalko ng kanilang ahensiya.
Ayon sa GSIS, tinatayang 25,000 manggagawa sa gobyerno ang hindi makapag-loan at hindi makatanggap ng dividends dahil walang remittance ang kanilang pinaglilingkurang ahensiya. Ayon sa GSIS may 287 government agencies ang delinquent sa pagre-remit ng GSIS contributions at sinuspinde na nila ang mga ito. Nagbabala ang GSIS sa mga pinuno ng ahensiya na mananagot ang mga ito dahil sa hindi pagre-remit ng contributions. Ayon sa GSIS ang mga government agencies ay kinabibilangan ng local government units, government-owned and controlled corporations, local water districts at iba pa.
Kabilang sa mga kawani na hindi nareremit ang GSIS contributions ay ang nasa Caloocan City Hall. Ilang taon na umanong hindi nagreremit ang Caloocan City government kaya hindi rin makapag-loan ang mga empleado. Sinuspinde na ng Office of the Ombudsman si Caloocan City mayor Recom Echiverri dahil sa hindi pagreremit ng GSIS contributions. Ang mga empleado ng Philippine Postal Corp. ay hindi rin makapag-loan sapagkat matagal na ring hindi nare-remit ang kanilang GSIS contributions. Marami sa mga empleado ng Philpost ang nag-aapoy sa galit dahil sa nangyayari.
Panahon na para bigwasan ng Ombudsman ang mga pinuno ng ahensiya na hindi nagreremit ng pera ng mga empleado. Ninanakaw nila ang pera ng mga kawawang empleado. May konsensiya pa kaya sila? Kasuhan sila.
- Latest
- Trending