MARAMI ang na-excite sa mga rebelasyon ni Bedol tungkol sa 2004 at 2007 elections. Kasunod nito’y sinusubo ng administrasyon ang posibleng paglutang ni former Comelec Commissioner Virgilio Garcillano na hihingan muli ng paliwanag – bakasakaling sa pagkakataong ito ay magbago na siya ng tono. Bilang masugid na supporter ni FPJ, personal sa akin ang makumpirma sa lahat na si FPJ ang tunay na pinili ng tao, hindi si GMA. Subalit excited man ako sa mga posibilidad, tanggap kong mahaba pa ang proseso bago mabigyan ng buong katarungan si FPJ at ang mamamayang Pilipinong sumuporta sa kanya. Ganundin para sa mga supporter nina Koko at Migz.
Malaking bahagi si Bedol sa jigsaw puzzle. Ang problema’y ang kanyang partisipasyon ay isang piraso lamang – marami pang may kinalaman ang kailangang lumabas upang mabuo ang pira-pirasong katotohanan. Hindi lamang ang mga piyon sa ilalim ang kailangang magtapat – maging ang mga prinsipe sa ibabaw ay mapipilitang magpaliwanag. Sino ang makakalimot noong 2004 sa ipinagmamalaki ng isang prominenteng pro-GMA Senator (na ngayo’y Pro P-Noy) na “limpio” o malinis ang pagkagawa ng dayaan sa kanyang probinsiya? Kahit sa kaso ni Koko at Migz, Maguindanao lang ang maaring panagutan ni Bedol – hindi nito maipapaliwanag ang mga dayaang nangyari sa ibang lugar. Sa kaso naman ni GMA, kulang ang kabuuang boto ng Sultan Kudarat (kung saan election supervisor si Bedol noong 2004) upang mabago ang resulta ng resultang nasyonal.
Naiintindihan natin ang excitement. Pagkatapos ng ilang taong kalabuan, ngayon lang nagkaroon ng pag-asa na mailalabas na rin ang buong kuwento. Huwag lang tayong magkamali na umasa na bukas makalawa’y magkakaalaman na. Maaring mapatotohanan nila – kulang sila’y paniwalaan — na may naganap ngang dayaan. Para sa marami ay sapat na itong pagpapatunay na nanalo si FPJ. Subalit hanggat walang karagdagang pruweba mula sa ibang may kinalaman, hindi pa ito maaring magsilbing batayan upang maitaas ang portrait ni FPJ sa Malacañang.
Sa mga nagtatago pa rin ng katotohanan, unti-unti nang lumalabas ang tunay na kwento. Aabot din sa inyong pintuan ang imbestigasyon. Pag-isipan n’yo na rin ang susunod n’yong hakbang.