Parking liability (1)

WALANG batas na nagsasabing kapag nanakawan, nasira o kinarnap ang iyong sasakyan sa loob ng parking lot, may pananagutan ang management o nangangasiwa dito.

Oo, totoo ito, subalit ang masaklap na katotohanang ito ang siyang ginagawang dahilan ng mga kapalmuks na private parking area para balewalain ang mga kaso ng mga nawawalang sasakyan sa loob mismo ng kanilang lote.

Kaya naman hindi kataka-takang namamayagpag ang sindikato sa likod ng mga kasong karnaping, sa Metro Manila pa lamang.

Sa talaan ng Highway Patrol Group o HPG, simula Enero hanggang Hunyo ng taong ito, seventy one percent ng mga kaso ng karnaping sa Pilipinas ay gamit ang estilong stolen while park.

Twenty one percent ay sa estilong forcibly taken at walong porsiyento ay kategoryang failed to return o yung karaniwang nabibiktima ng kasong rent-tangay.

Isa sa tinitingnang anggulo ng mga otoridad ay ang kawalan ng batas na magpapanagot sa mga nama­mahala ng private parking area.

Kaya’t malayang nagagawa ang pangangarnap ng mga sindikato sa loob ng mga private parking lot. Ginagawang palaruan ng mga sindikato ang mga lugar na ito para maisagawa ang kanilang krimen.

Hindi maiwasan na maglaro sa aming isipan, may inside job sa mga kasong ito.

Tulad ng isang kasong inilapit sa BITAG ng mga empleyado ng isang kilalang hotel sa Roxas Boulevard.

Pawang mga empleyado ang biktima, ang kanilang mga motor ang kinakarnap sa mismong parking lot na umano’y isang malaking kumpanya ang nagpapatakbo ng paradahan ng hotel.

Sa kasong ito, masigasig na nag-iimbestiga na ang BITAG. Kaakibat namin ang tanggapan ni Buhay Party List Representative Irwin Tieng na siyang may akda ng itinutulak na House Bill 2047.

Ito ‘yung panukalang batas na may kinalaman sa pagpapanagot sa mga namamahala ng mga parking lot kapag may aksidente, nawalang bagay at kinarnap na sasakyan sa loob nito.

Abangan ang ikalawang bahagi ng kolum na ito hinggil sa House Bill 2047 o Parking Liability Act.

Show comments