SINO kayang presidente ng Pilipinas ang makalulutas sa mga nangyayaring pagdukot, pagpatay at pagkawala ng mga tao na ang itinuturong mga salarin ay mga sundalo? Isang taon na ang Aquino administration subalit wala pa ring kaseguruhan kung ang mga taong bigla na lamang nawala ay makikita pa ng kanilang mahal sa buhay. Matagal nang naghihintay ang mga kamag-anak ng biktima subalit tila walang pag-asang malutas ang mga pagpatay. Kadalasang ang mga dinudukot at pinapatay ay mga pinaghihinalaang aktibista o makakaliwa.
Sa report kamakalawa ng Human Rights Watch (HRW) na nakabase sa New York, sinabi na bigo ang Aquino administration na maimbestigahan at ma-prosecute ang mga may kagagawan sa pagkawala at pagpatay sa mga indibidwal. Hindi raw nabigyang prayoridad gayung ang mga itinuturong suspect ay military. Sampung kaso noong nakaraang taon na military umano ang may kagagawan ang hindi malutas. Walang makitang liwanag sa mga kaso ng pagpatay at puwersahang pagkawala.
Ang mga kaanak ng biktima ay matagal nang umaasa na mahuhuli at mapaparusahan ang mga may kasalanan. Pero sa nangyayari ngayon na kaliwa’t kanang imbestigasyon ang hinaharap ng Aquino Administration, maaaring maisantabi ang mga kaso ng extra judicial killings. Lalo nang mauuhaw ang mga kaanak sa paghanap ng hustisya.
Parang mga manok lamang na binabaril ang mga aktibista, ayon sa report at balewalang naglalakad palayo sa crime scene ang umano’y sundalong bumaril.
Kaya hindi masisisi ang mga ina ng nawawalang sina Sherylin Cadapan at Karen Empeño na pagsisigawan si ret. Army Major Jovito Palparan kaugnay sa pagkawala ng kanilang mga anak noong 2006. Umano’y may kinalaman si Palparan sa pagkawala ng dalawang estudyante. Itinanggi ni Palparan ang akusasyon.
Lutasin ng Aquino administration ang mga nangyayaring pagpatay. Imbestigahan ang military sa mga pagdukot at pagpatay.