Not once, but twice

ISINIGAW ni Susan Roces sa isang kilos-protesta noon laban kay dating president Gloria Arroyo, na hindi lang daw isang beses niya ninakaw ang pagiging presidente, kundi dalawang beses, kay Erap, at kay FPJ. Ngayon, medyo nasa balita na naman ang biyuda ni FPJ, dahil mas nagkakaroon ng saysay ang paratang na iyon para sa kanya, sa paglitaw ni Lintang Bedol at ng kanyang mga pahayag ukol sa halalan 2004 at 2007. Ayon kay Madame Susan, dapat maparusahan ang mga mandaraya.

Hawak na ng Comelec ang kanilang kontrobersyal na  election supervisor mula sa Maguindanao. Ngayon, hindi na baril ang bahagi ng kanyang pananamit kundi bulletproof   vest na! Dahil sa kanyang mga rebelas­yon, naisip siguro ng DILG, Co­me­lec at PNP na baka magkaroon ng tangka sa kanyang buhay. Mananatili siyang hawak ng Comelec, dahil may kaso pa rin laban sa kanya mula rin sa Comelec sa kanyang hindi pagdalo sa patawag ng ahensiya. Anim na buwan ang kanyang detensyon, ayon sa batas. Sa panahon na iyan, magkakaroon ang Comelec at ang administrasyong Aquino na rin ng panahon para pag-aralan nang mabuti ang kanyang mga pahayag, pati na rin ang pahayag ng mga iba pang nagsumite na rin ng mga affidavit ukol sa pandaraya noong halalan.

Kung totoo ang lahat ng mga sinasabi ni Bedol at iba pang mga testigo, inaabutan na si Arroyo ng kanyang mga nagawang nakaraang kamalian. Mukhang hindi sapat ang “I am sorry.”, para sa kontrobersiya ng “Hello Garci”. Isipin na lang natin kung nakaupo pa si Merceditas Gutierrez bilang Ombudsman. Ano kaya ang gagawin niya para hindi mapakinggan ang mga pahayag ni Bedol? Gaano katagal gagapang ang kasong ito sa kanyang tanggapan? Iba na ang panahon ngayon. Iba na ang administrasyon. Iba na ang determinasyon ng mamamayan para malaman ang katotohanan ng mga pangyayari pitong taong nakalipas. Isang isyu na bagama’t walang pagtatapos, hindi pa rin nakakalimutan ng tao.

Masabi ko lang, na kung lahat ito ay plano ng mga Ampatuan, di kaya pumapalpak na dahil si Bedol lang ang ina-atupag, at hindi ang alok at pahayag ni Zaldy?

Show comments