Kapag may pakialam ka, makakatulong ka
MALAKI ang papel na ginagampanan ng mga taong nagbibigay panahong ipaabot sa kinauukulan ang mga bagay na dapat pagtuunan ng pansin.
Ang mga sitwasyong ito, iregularidad at mga iligal na aktibidades na hindi agarang nakikita ng mga otoridad.
Sa Pilipinas, concerned citizen ang tawag natin sa kanila. Sa Estados Unidos, reporting party o RP kung sila’y tawagin ng mga alagad ng batas.
Ang mga concerned citizen o reporting party ang agad nakakakita sa mga sitwasyong dapat aksiyunan o ayusin. Sila kasi ‘yung mga residente o publiko na bumubuo sa isang komunidad.
Kapag naglaan ng panahon ang concerned citizen o reporting party na ipaalam sa kinauukulan ang isang problema, marami ang maliligtas, marami din ang makikinabang.
Kaya’t hindi na nagtataka ang BITAG kung bakit ang dalawang kapatid ng isang pabayang negosyante sa Novaliches Quezon City ang lumapit sa amin upang isumbong ang mapanganib na negosyo ng kanilang Kuya.
Ang hindi maayos na imbakan at tindahan nito ng Liquified Petroleum Gas o LPG at Gasul ang matagal nang nag lalagay sa kanila sa matinding takot at pangamba, may isang dekada na. Wala sa ayos at lubhang delikado ang pagkakaimbak sa mga tangke ng LPG at Gasul, anumang oras maaaring sumabog ito. Hindi naman daw nakikinig sa kanilang pakiusap ang kanilang Kuya kaya’t nagdesisyon silang lumapit sa BITAG. Buhay ng kanilang pamilya at ng buong komunidad sa lugar ang nakataya.
Para sa Bureau of Fire ng Quezon City, magandang bagay na naglakas loob ang magkapatid na magsabi sa otoridad.
Dahil kung ito’y kanilang ipinagwalang-bahala, anumang oras, maraming magiging biktima ng napipintong sakuna.
Ikaw may pakialam ka ba sa iyong kapaligiran? Kung meron man, makakatulong ka. Kung magsasawalang kibo at bahala ka naman, puwes, parte ka ng problema ng lipunang ito.
- Latest
- Trending