Berdugo
MAY balita na hinuli umano ng mga armadong marines ng China ang isang Vietnamese fishing boat. Binugbog ang kapitan at kinumpiska ang mga huling isda. Kung totoo nga ang balitang ito, masama na talaga ang ginagawa ng China sa pinagtatalunang Spratly Islands. Talagang inaangkin na ang dagat sa kanluran ng Pilipinas! Kilos berdugo na!
Ano ang susunod? Mamamaril na sila ng mga pumapasok sa kanilang “teritoryo” at sasabihing kasalanan pa ng mga pumasok. Parang wala nang sinusundang usapan ukol sa pinagtatalunang lugar, at nananakot na lang! Akala ko ba nangako ang China na hindi gagawa ng tensyon sa lugar, at idadaan sa diplomasya ang problema sa Spratlys? Pati ba pangako ng China ay madaling masira, walang kalidad, bulok? Dinadaan sa lakas-militar na lang ang pag-aangkin sa lugar!
May ilang mambabatas sa Amerika na tinutulak na ang mapayapang resolusyon sa Spratly Islands. Ilang eksperto sa rehiyon ang nagbabala sa problema ng lugar, na baka mauwi sa digmaan kung hindi maaayos. Pinaniniwalaang maraming deposito ng langis sa lugar, kaya ganun na lang ang pagtatalo – at sa panig naman ng China ay pambabraso – sa pag-angkin sa mga isla. Tinanggihan ng China na iangat sa United Nations ang gusot, para may mga panig na neutral at walang interes sa lugar na makakatulong. Kaya siguro dinadaan na sa takot dahil maraming bansa na ang gustong matapos ang problema sa isyu. Ilang beses nang naging kontra ang China sa mundo pagdating sa ilang patakaran, katulad ng karapatang pantao na tila hindi nila sinusunod.
Kung ganito nga ang kilos ng China, hindi malayong magkaroon ng insidente sa rehiyon. Dito makikita kung gaano kalalim ang magiging tulong ng Amerika, at kung sinu-sino na rin ang mga makikigulo. Kung marunong lang ng diplomasya ang China. Kaso, ganun ang komunistang bansa. Mga nasa kapangyarihan lang ang nasusunod, kahit gaano kamali at kabaluktot ang mga patakaran. Utak at kilos berdugo-sanggano nga!
- Latest
- Trending