PNP generals lulusot kapag itinuro ang salarin

BATAY sa papeles ni Sen. Panfilo Lacson, maaring makulong ang opisyales ng Philippine National Police. Dawit umano sila sa pagbili nu’ng Hulyo 2009 ng dalawang lumang light helicopters, sa mahigit halagang brand new. Ito’y sina noo’y-PNP director general Jesus Verzosa; acceptance-inspection committee chairman Chief Supt. George Piano; committee members Sr. Supts. Luis Sa­ligumba at Nolan Antonio, at Supt. Edgar Paatan; comptrollership management division chief Sr. Supt. Mansue Lukban, at property inspector Officer-3 Avensuel Dy. Pati si noo’y National Police Commission head Ronaldo Puno ay maaring sumabit.

Mayo 2009 nang simulang nakipag-negosasyon ang PNP sa Manila Aerospace Products Trading (Maptra). Umoorder ang Special Action Force, aprobado ng Napolcom, ng tatlong brand new police choppers. Sa loob lang ng dalawang buwan, tinanggap at binayaran ng PNP ang isang brand new Robinson’s Raven-II police version, at dalawang segunda-manong Raven-I civilian version. Halaga: P43 milyon ang Raven-II at tig-P31 milyon ang mga Raven-I, o kabuuang P105 milyon.

Tama ang presyong P43 milyon sa fully-equipped Raven-II. Pero ang brand new Raven-I noon ay P24 mil­yon, kaya overpriced nang tig-P7 milyon ang dalawang segunda mano sa presyong P31 milyon.

Ani Lacson kay noo’y First Gentleman Mike Arroyo pala ang dalawang lumang units. Open secret ‘yun sa maliit na aviation industry, kung saan lahat ay magkakakilala. Batay sa flight logs, mga miyembro ng Unang Pamilya ang malimit na pasahero. Luma-landing pa sa Area-3 sa Malacañang Park, na reserbado lang para sa presidential flights.

Kung nais ng mga opisyales makaiwas sa 20 taong pagkabilanggo, dapat isuplong nila ang nangyari noon. Sino ang nag-utos ng bentahan?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments