Simbahang Katoliko higit pang sisigla
ANI aktibistang Fr. Robert Reyes, kung harapin lang ng mga obispong Katoliko nang sinsero ang gusot sa SUVs, lalong tatatag ang Simbahan. Tila nangyayari na nga ito, dahil sa paghingi ng tawad ng Catholic Bishops Confe-rence of the Philippines sa kahihiyan.
“Tinitiyak namin sa inyo na ang (pitong) sangkot na obispo ay handang panagutan ang kanilang ginawa, at harapin ang kahihinatnan kung mapatunayan itong maanomalya’t labag sa batas at Konstitusyon,” anang CBCP. “Sa simpleng pakay na matulungan ang mahihirap, hindi nila natimbang ang kahulugan ng ganyang uri ng donasyon (mula sa dating Presidente Gloria Arroyo).”
Taliwas ang mapagkumbabang pagsisisi sa naunang pagtuya ng pitong obispo sa anomang imbestigasyon. Nangangako sila ngayon na isosoli ang milyon-milyong piso ng gobyerno (Philippine Charity Sweepstakes Office) na ipinambili nila ng magagarang sasakyan.
Matapos ito, maihahabla na ng bagong pamunuan ng PCSO ang mga dating kasapi ng board of directors, dahil sa ilegal na pamamahagi ng perang publiko sa piling sektang relihiyon. Maiiwas sa habla ang pitong obispo dahil inosente lang silang tumanggap ng donasyon. Pero ang pera na isosoli at akto ng pagsoli ay magsisilbing ebidensiya ng katiwalian ng dating pamunuan ng PCSO. Magkakahustisya. Isa na lang sa pitong obispo marahil ang mamanmanan — ‘yung nagsabi kamakailan sa panayam sa Radio Veritas na kausap niya ang mga grupong nagbabalak patalsikin ang halal na Pangulong Noynoy Aquino.
Isa sa pangunahing lakas pampulitika ang mabuting ehemplo. Pinamamarisan ng madla ang ehemplo. Gagayahin ng marami ang pagpapakumbaba ng mga obispo. Matutuklasan nila ang katalinuhan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending