Trigo at damo
ANG lahat ng bagay ay nasa pangangalaga ng Diyos. Nagmula ito sa katarungan, nagpakita ng habag, lakas sa nag-aalinlangan, pinarurusahan ang mga nangangahas ng kasamaan, ngunit mahabagin kung humatol, mahinahon at mapag-timpi, maawain at nagbibigay pag-asa. “Poon, ikaw ay mabuti sa lahat ng nagsisisi”. Higit sa lahat ay tinutulungan tayo ng Espiritu Santo sa ating kahinaan at nananaliksik sa ating puso at isipan.
Sa ebanghelyo ay inilahad ni Hesus na ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang manghahasik ng mabu-ting binhi ng trigo sa kanyang bukid. Habang natutulog ang mga tao ay dumating ang kaaway at naghasik ng masamang damo sa triguhan. Sabay silang tumubo. Nagreklamo ang alipin sa nangyari at sinabi sa may-ari ng lupa. Ang naging disisyon ng may-ari ay hayaan munang tumubo ng sabay ang trigo at masamang damo; hayaan lumago ang bawat isa. Sa anihan ay sabihin sa mga tagapag-ani na tipunin ang mga damo, pagbigkis-bigkisin at sunugin. Ang trigo naman ay tipunin sa kamalig.
Ang paghahari ng Diyos ay tulad din sa nagtamin ng isang butil ng mustasa. Ito ang pinaka-maliit na binhi; pag naitanim na at tumubo ito ay nagiging pinaka-malaki sa lahat ng damo. Nagiging punongkahoy at pinamumungaran ng mga ibon ang sanga. Tulad din ito ng lebadura na matapos ihalo sa tatlong takal ng arina ay nagiging malaking masa.
Ang Anak ng Tao ay naghahasik ng mabuting binhi sa sanlibutan. Ang taong pinaghaharian ng Diyos ay mabuting binhi, subalit ang mga taong pinaghaharian ng diyablo ay masamang damo. Ang mga anghel ang tagapag-ani ng mga matuwid ay magliliwanag ng parang araw sa kaharian ng Ama. Ang mga masasamang damo ay ang mga makasalanan. Ihahagis sila sa maningas ng pugon (impiyerno).
Ang biyaya ng buhay ay malayang ipinag-kakaloob sa atin ng Diyos. Itinuturo sa atin ang lahat ng kabutihan ng Diyos (Sampung Utos). Ipinagkakatiwala sa atin ang pamimili o desisyon sa uri at takbo ng ating buhay. Nagtuturo si Hesus sa atin ng kabutihan at kabanalan, subali’t ang pinipili pa natin ay kasamaan. Iginagalang ng Diyos ang ating malayang pagdedesisyon. Binibigyan tayo nang maraming pagkakataon upang pagbutihin ang takbo ng ating puso at isipan.
Karunungan 12:13, 16-19; Salmo 85; Rom 8:26-27 at Mt 13:24-43
- Latest
- Trending