MEDYO naililiko ang isyu sa Philippine Charity Sweepstakes Office at malinaw na nagtatagumpay ang mga propagandista ni Madam Senyora Donya Gloria.
Kaysa pagtuunan ng pansin ang P150 million intelligence fund na kinuha sa nasabing opisina ay dinadala pilit ang isyu sa bakit daw sinabing Pajero eh hindi naman kundi Montero.
Bago natin balikan ang tungkol sa intelligence fund ay ipaliliwanag ko ang isyu sa Pajero. Una, ang Montero bagama’t hindi kasing mahal ng Pajero ay nagkakahalaga rin ng P1.7 million. Ang ibang sasakyan naman gaya ng Isuzu Highlander ay mamahaling sasakyan din at higit sa lahat ang tanong naman dito ay simple lang, nakaapekto ba sa desisyon ng mga Obispo o lider ng simbahan ang pagtanggap nila ng mga sasakyang regalo mula kay Madam Senyora Donya Gloria? Naging malambot ba sila sa pagbibigay ng statement tungkol sa corruption noong panahon ni Madam Gloria?
Tungkol naman sa intelligence fund, paalala lamang sa lahat na walang intelligence fund na pinapayagan kung walang permiso ng presidente. Uulitin ko ho, ang presidente lamang. Ibig sabihin alam ni Madam Gloria at matindi pa nito ang PCSO na nangangasiwa sa lotto ay sa ilalim ng office of the President – meaning kahit na aprubahan ng board ang anumang resolusyon ay kailangang dumaan pa rin sa approval ni Madam Gloria.
Malabo rin at obvious na violation ang pagkuha ng intelligence fund mula sa PCSO dahil ayon sa charter nito kailangan medical o health at hindi terorista. Isa ang malinaw, corruption at nililigaw ang isyu upang ilayo kanila Madam Gloria. Uulitin ko – CORRUPTION ANG ISYU!
* * *
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o e mail sa nixonkua@ymail.com