Huli na naisip makipaghiwalay
LIMANG taon nang magsyota sina Jimmy at Marrieta. Sa tinagal ng panahon hindi kailanman tinangkang makipagtalik ni Jimmy kay Marrieta. Ganoon na lang ang pag-ibig ni Jimmy sa babae kaya nirerespeto niya ang pagiging birhen nito.
Kahit noong ikasal sila noong 1980, hindi pa rin tinangka ni Jimmy na makipagtalik kay Marrieta. Kahit may karapatan na siya na angkinin si Marrieta ay hindi niya ito ginawa. Nanatiling birhen si Marrieta tatlong taon matapos ang kanilang kasal.
Noong 1984, nagdemanda na si Marrieta. Hiningi niya sa korte na mapawalang-bisa ang kasal nila ni Jimmy sa kadahilanang baog ang lalaki. May mangyayari ba sa kaso?
Karaniwan na hindi ipinapalagay na baog ang isang tao. Lagi nating iniisip na may kakayahan ang bawat isa na makipagtalik. Ito ang doktrina ng mga Amerikano na sinusunod natin. Pero sa oras na lumipas ang tatlong taon at hindi pa rin nagagalaw ng lalaki ang kanyang asawa magmula nang ikasal sila, lumilipat sa lalaki ang responsibilidad na patunayan na hindi siya baog. Sa ingles, ito ang tinatawag natin na “doctrine of triennial cohabitation”. Sa kasong Tompkins vs. Tompkins (92 N. J. eg 113, 111 AH. 599), sinasabi na hindi nagawang ipakita ng lalaki na hindi tugma sa kanya ang doktrina kahit sabihin pa na nagawa niyang magkaroon ng relasyon sa ibang babae pero hindi lang niya gustong galawin ang sariling asawa. Ayon sa korte, puwede rin naman ito. Kayang makipagrelasyon ng lalaki sa iba pero hindi sa kanyang mismong asawa.
Ang kaso ni Jimmy at Marrieta ay pareho sa kasong ito. Kaya lang, wala pa naman tayong desisyon sa ganitong kaso at aabangan pa natin ang mga korte kung magiging pareho ang kalalabasan sa kasong Amerikano.
Sa ilalim naman ng batas ng simbahan, puwedeng hingin ni Marrieta na mapawalang bisa ang kasal sa pamamagitan ng “Papal Dispensation” o paghingi sa Santo Papa nito base sa hindi sila nagkaroon ng pagtatalik ng asawa.
- Latest
- Trending