IGINIIT ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na dapat busisiin nang husto ang isyu ng korapsyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Nakaaalarma kasi ang mga mga ulat hinggil sa umano’y multi-milyong pisong kickback ng mga opisyal ng PCSO sa mga advertisement ng ahensiya, gayundin ang ilang kuwestyunableng kontrata na pinasok nito pati ang pagkakaroon ng malaking halaga ng intelligence fund. Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay inungkat din ang ginawang pagbibigay ng PCSO ng sasakyan sa ilang obispo ng Simbahang Katoliko.
Napag-alamang mali ang naunang lumabas na impormasyon mula sa PCSO na mga Pajero ang ibinigay sa mga alagad ng simbahan. Inamin ni PCSO Chairperson Margie Juico na wala silang aktwal na datos hinggil sa kung ano nga bang mga sasakyan ang ipinamahagi ng ahensiya.
Nailahad din ang matinding pangangailangan talaga ng sasakyan ng ilang mga obispo sa pagsasagawa nila ng social action programs sa liblib na lugar na pawang walang maayos na kalsada. Ilan sa mga social action programs na ito ay may kaugnayan sa pagsusulong ng kapayapaan laluna sa Mindanao, programang pang-agrikul-tura at pagpapaabot ng tulong-medikal sa mga maralita.
Naglabas din ng pahayag ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kung saan ay humingi sila ng paumanhin hinggil sa negatibong idinulot ng isyu. Kami ni Jinggoy ay naniniwalang sapat na ang ginawang public apology ng mga obispo sa nangyari. Malinaw naman na walang personal na interes ang mga obispo sa nasabing mga sasakyan, bagkus para ito sa pagsisilbi nila sa taumbayan.
Ang kailangang pagtuunan ng pansin ay ang korapsyon sa PCSO.
Binabati ko sina G. Severo Pacheco na pinuno ng Traffic and Parking Ma-nagement Office ng San Juan City; Ms. Vicky Sambilay, Corporate Communication Manager ng Sun Cellular; Ms. Jessica Pineda, Sales Manager ng Emirates Airlines; at Irwin Wu, Senior Group Property Manager ng Robinson’s Land.