Pay parking Project ng MJP
MAY magandang panukala ang kaibigan kong si ret. Police Captain Tony Cruz na kahit retirado na ay aktibo pa rin sa proyekto niyang Manila Junior Police (MJP). Ito ay ang pagbubukas ng pay parking sa Maynila para sa mga miyembro ng MJP.
Ito ay para makapag-generate ng hanapbuhay sa mga kabataan na kasapi ng Junior Police. Double purpose ang konsepto. Bukod sa pagtao sa mga parking areas, nagsisilbing tenga at mata pa ang mga kabataan para mai-report sa mga awtoridad ang ano mang namumuong krimen at mapanatiling maayos at malinis ang kapaligiran.
Nakapagsumite na ng project study si Capt. Cruz kay Manila Mayor Alfredo Lim at mukhang paborable naman si Mayor dito. Kailangan lang na magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Manila Junior Police at ang Manila Traffic and Parking Bureau.
Habang wala pang MOA nakaplano na kunin ang Plaza Sta. Cruz bilang pilot area para sa proyekto. Nagsimula na ring makipag-koordinasyon si Capt. Cruz at ang MJP sa Barangay 303, Zone 29 sa pamumuno ni Chairman Ben Yap.
Pero nadismaya si Capt. Cruz dahil sinabi naman ni Kagawad Ariel Sierda na ang Chairman na si Ben Yap ay nagde-demand na kung maisasara ang MOA, kailangang magbigay sila ng hatag na P3 libo kada linggo o P12 libo kada buwan. Ito raw ay “For PR purpose.”
Sabi ni Capt. Cruz, hindi naman talaga negosyo ang layunin ng proyekto kundi para makapagbigay ng empleyo sa mga kabataan na sa halip na paista-istambay ay magkaroon ng trabaho at tuloy maiiwas sa mga masasamang bisyo at gawain.
Gusto nang mag-give-up ni Kapitan Cruz dahil sa pangyayari. Isang dating pulis si Capt. Cruz kaya naaamoy niya na ang ganoong sistema ay katumbas na protection o extortion racket.
Sabi ko naman ay huwag agad-agad susuko. Baka madaan iyan sa mahinahong usapan at kung maipaliliwanag na mabuti ang layon nito ay baka hindi na mag-demand ang barangay.
Sang-ayon naman ako na may magandang layunin ang proyektong ito at siguro, sa kaunting intercession ni Mayor Lim ay maipatupad din ito sa kapakanan ng maraming kabataan ng MJP na malapit din sa puso ng alkalde. By the way, naging miyembro rin ng MJP si Mayor noong kabataan niya.
- Latest
- Trending