MARAMING katiwalian sa nakaraang Arroyo administrasyon ang sumisingaw at tila hindi na mapipigil pa ang pag-alingasaw. Isa na riyan ang illegal na paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Nabulgar sa imbestigasyon ng Senado na ginamit ang P325-million intelligence fund ng PCSO para sa paglaban sa terorismo, kidnapping, bomb threats at destabilization. Una nang sinabi ni dating PCSO general manager Rosario Uriarte na ginamit ang pondo para sa blood money ng mga OFWs sa Saudi Arabia. Tumanggi nang magsalita si Uriarte sa hearing noong Huwebes gamit ang karapatang manahimik pero handa raw siyang humarap sa korte para patunayan na siya ay inosente. Umiyak pa ang dating PCSO official. Nakikiusap siya na maawa sa kanyang pamilya sapagkat masyado nang apektado sa isyu.
Hindi lamang si Uriarte at iba pang dating opisyal ng PCSO ang nahaharap sa mga kaso ng katiwalian kundi pati na rin si dating presidente at ngayo’y Pampanga representative Gloria Macapagal-Arroyo. Siya ang nag-apruba sa lahat ng kinilos ni Uriarte sa PCSO. Maski nga ang mga SUV ng Obispo ay ang dating presidente ang nag-ok. Ibinalik na ng mga Obispo ang mga sasakyan at humingi ng tawad sa mamamayan.
Maraming nakinabang sa pondo ng PCSO na hindi naman karapat-dapat tumanggap. Habang maraming kapuspalad na mamamayan ang nagtitiyagang pumila para makaamot ng perang pampagamot, marami naman palang nakikinabang sa sinasabing intel fund. At gaano naman katotoo na ang pondo ay talagang ginamit sa terorismo, kidnapping at bomb threat? O ang mga ito ay “kunwari” lamang para mailabas ang malaking pondo?
Siguro kung ginamit ang mga ito para sa pampaospital ng mga batang maysakit, baka maging makatotohanan pa sapagkat nakapagligtas ng buhay. Mauunawaan pa siguro sila kung sa mga naghihikahos napunta ang pera.
Maraming mananagot sa mga dating PCSO official. Ito ang nakikita batay sa mga ebidensiya. Pero mas magiging makatotohanan kung ang “malaking isda” ang mabibingwit at mapaparusahan. Kung ang mga “dilis” lamang ang mahuhuli, balewala ang pag-iimbestiga. “Malaking isda” naman sana sa pagkakataong ito.