NAGKAALAMAN din. Sa mga nagtaka, nagtanong, naghanap at umasa na maririnig din ang boses ng simbahan noong kasagsagan ng GMA administration, ngayon alam na ninyo kung saan ito nagtago. Si Hesukristo ay pinagkanulo ni Hudas sa halagang tatlumpung pirasong pilak. Sa mga taong 2001 hanggang 2010 sa Pilipinas, ang pilak ay naging Pajero.
Ang trahedya ng mga Obispo ay naging biktima sila ng sariling tagumpay. Sa isang bansang may mahabang karanasan ng pang-aabuso ng mga prinsipe ng simbahan (may mag-aaral bang hindi pamilyar sa simbolo ng simbahan nung panahon ng Kastila, si Padre Damaso), kamangha-mangha ang nangyaring rehabilitasyon ng kanilang imahe sa panahon ni Marcos kung kailan na-nguna sila sa resbak sa EDSA; kay Pangulong Erap kung saan sila mismo ang nag-umpisa ng sigaw na ito’y pagbitiwin sa puwesto. Nagkaroon ng sariwang kahulugan ang pagiging Katoliko: Bahagi ng obligasyon ng anak ng Diyos ay ang tumindig at magsalita sa mukha ng abuso at kawalan ng katarungan.
Nang unti-unting nahimasmasan ang lipunan sa pag-agaw ng puwesto kay Pangulong Erap at nang lumabas na bantay salakay pala ang ipinalit sa kanya, lahat tayo’y lumingon sa inaasahang muling pagsigaw ng mga Obispo, panatag na hindi magkikimi ang mga kampeon ng kala-yaan habang may nagaganap na katiwalian. At alam nating lahat kung saan nagtapos ang kwento – ang mga Leon ay naging kuting. Ang sigaw naging bulong.
Hindi tuloy maiwasang isipin na nagamit lang ang galit ng tao para mapatanggal ang isang opisyal na pinaghinalaang nalalayo sa Diyos ang personal na buhay. Masisisi mo bang isipin ito gayong malinaw na mas garapal ang naganap na graft and corruption sa ila lim ni GMA? Sa kabila nito’y hindi makunan ng kahit kapiranggot na imik ang mga Obispo laban kay Mrs. Arroyo.
Sa ganitong background uunawain ang pagkamuhi ng bayan sa naibulgar na pagtanggap at pag-request nila ng benepisyo sa presidente. Kung ipinagmama-laki ni P-Noy na kabalikat niya ang simbahan sa kampanya laban sa katiwalian, dahil sa nangyari ay hindi na ito plus kung hindi pabigat na lang.