Magbaon ng 70% alcohol sa bag
MAY simpleng paraan para makaiwas sa maraming sakit. Kabilang na rito ang pag-iwas sa trangkaso, swine flu, pigsa, sipon, sore eyes, pagtatae at marami pang iba. Ano ang sikreto? Simple lang: Magbaon at gumamit ng alcohol araw-araw.
Alam mo bang mas mabisa ang alcohol kaysa sa sabon sa pagpatay ng mikrobyo? Oo, tama po iyan. Ang 70% alcohol ay nakapapatay ng mga bacteria at virus, pero ang sabon ay nakatatanggal lamang ng dumi. Ang pinakamaganda siyempre ay ang regular na paghuhugas ng kamay at paggamit pa ng alcohol.
Kailan gagamit ng alcohol?
Kapag nanggaling ka sa banyo at walang tubig at sabon, mag-alcohol ka na lang muna. Kapag ika’y nakipagkamay sa mga tao o humawak ng maruruming bagay, mag-alcohol ng kamay. Lalo na sa mga pulitiko na maraming nakakahalubilo, kailangan may dala silang alcohol.
Ayon sa infectious disease experts, ang kamay natin ang numero unong pinanggagalingan ng mga sakit tulad ng:
1. Sipon at ubo – Ang virus ng sipon at ubo ay madaling makahawa. Madalas din magkahawahan ang mga bata dahil mahilig silang makipaglaro at magyakapan sa isa’t isa. Ang kamay nila ay may dalang bacteria at virus at madaling maipasa sa kalaro. Kaya dapat natin turuan ng kalinisan ang ating mga anak.
2. Sore eyes – Bacteria sa mata ang sanhi ng sore eyes. Sobra itong nakahahawa lalo na kung nakipagkamay ka sa isang taong may sore eyes. Huwag na lang muna makipagkamay.
Alcohol sa pigsa at tagihawat:
At hindi lang iyan ang lakas ng alcohol. Puwede ding gamitin ang alcohol bilang gamot sa sari-saring impeksyon sa katawan.
Sa mga madalas magkaroon ng pigsa at tagihawat, alcohol din ang solusyon diyan. Ang pigsa at tagihawat ay dala ng bacteria sa balat (ang tawag ay staphylococcus).
Basain ang bulak ng alcohol at ipahid ito ng 3 beses sa maghapon. Madaling matutuyo ang iyong pigsa at tagihawat, at hindi na kakalat pa ang impeksyon.
Isa pang payo: Mas mabisa pa ang paggamit ng Povidone iodine para sa mga sugat, pigsa at iba pang impeksyon. Puwede pangpalit ang Povidone iodine sa alcohol.
Tandaan: Kalinisan at kalinisan lang ang panlaban natin sa mga sakit. Bukod sa paggamit ng alcohol ay dapat maligo din araw-araw at maghugas ng kamay palagi. Good luck po!
- Latest
- Trending