Umaalingasaw sa baho ang Manila Police District
NAKAKUHA ng kakampi si Sen. Panfilo Lacson sa hanay ng Manila Police District, napapanahon kasi ang pagbubulgar nitong over pricing sa pagbili ng tatlong Tutubing Karayom este Robinson Helicopters. Sinu-sino kaya ang mapalad na heneral ang nakapagbulsa ng “Tongpats”? Iyan ang tinututukan ko mga suki! At dahil nga sa pagbubulgar ni Lacson labis ang kasiyahan ng taga-Manila’s Finest dahil may pag-asa na silang maburiki ang pondo ng MPD na pambayad sa tubig at ilaw. Hamakin n’yo, namamaho na ang MPD headquarters matapos putulan ng tubig ng Maynilad dahil hindi makabayad ng utang na P14,000,000.00.
Ang masakit hanggang ngayon ay wala pang tugon ang National Capital Region Police Office. Ang NCRPO ang taga-bayad sa tubig at ilaw ng limang district headquarters sa Metro Manila at kabilang dito ang MPD. Hindi kasalanan ni MPD director Chief Supt. Roberto Rongavilla ang pagkaputol ng tubig dahil hindi niya saklaw ang pagbayad nito. Ang dapat umaksyon dito ay ang NCPRO dahil ito ang nagpapaabot ng budget sa Philippine National Police headquarters sa Camp Crame. Ngunit mahirap mahagilap si PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo kaya hindi niya nalalaman ang problemang dapat atupagin.
Sa ngayon nagtitiyaga na lamang ang ilang pulis na makiigib sa kalapit na establisimento upang may magamit sa kanilang kusina at magamit din na pangnaspu-naspu. Maging ang strikers ng bawat unit ay nagkakandakuba na sa kahahakot ng tubig kaya abot langit na ang kanilang panalangin na magpakitang gilas na sina General Bacalzo at NCRPO director Alan Purisima. Ewan ko lang kung kailan aabot ang dasal kay Bacalzo dahil mukhang may pinagkakaabalahan ito kaya mahirap mahagilap. Ang masakit nito oras na mabayaran na itong utang sa Maynilad, nakaamba naman na maputulan ng kuryente ang MPD. Umano’y P70 milyon ang utang ng MPD sa Meralco.
Wala pa namang maaasahang tulong ang MPD sa Manila City Hall dahil balita na bankarote ang lungsod ni Mayor Alfredo Lim. Dalawang quarters na umano na hindi naibibigay ang allowance ng mga pulis kaya kawing-kawing na problema ang dinaranas ng Manila’s Finest. Hindi lamang iyan, problema rin ni Rongavilla ang kinatitirikan ng Ermita Police (Station 5). Binabawi na raw ito ng National Bureau of Investigation. Kaya maituturing na squatter na ang Station 5 sa kanilang puwesto.
Gen. Bacalzo, pakiburiki mo ang problema ng MPD kung dumadaloy pa ang dugong pulis mo. Abangan!
- Latest
- Trending