Medical Center Imus

REKLAMO ito ng isang personal friend na si Nellie Nolledo. Ito’y tungkol sa kanyang 7-years old na apo na si Shaun Adriane Nolledo na namaga at matinding nanakit ang gilagid at sumailalim sa isang minor surgery sa Medical Center Imus (MCI). Siningil sila ng mahigit sa P85 libo sa procedure na nagtanggal ng nana sa namagang gilagid. May Philhealth Card sila kaya bale ang bill nila ay P57 libo na lang. Malaki pa rin para sa isang simpleng operasyon sa tingin ko.

Hindi indigent si Nellie. Negosyante siya pero lahat ng tao ay natatapat sa kakapusan paminsan-minsan. Hindi niya inaasahang ganyan kalaki ang final bill. Ang cash na dala niya ay P15 libo lang. Ayaw itong tanggapin ng ospital. Ayaw silang palabasin hangga’t hindi kumpleto ang bayad na P57 libo. Bago ang operasyon, tinatanong nila kung magkano ang magagastos pero wala daw silang kibo sa pagamutan. Ipinalagay ni Nellie na hindi naman siguro kalakihan komo aalisan lang ng nana ang gilagid. Ang paki-usap ni Nellie ay ibibigay din ang kulang sa susunod na araw pero nagdemand daw ng “titulo ng lupa” bilang kolateral ang ospital.

Tinawagan ko si Dra. Liza Ong, asawa ng ating health columnist na si Dr. Willie Ong upang malaman kung tala­gang ganyan ba talaga kalaki ang bayad sa isang simpleng operasyon. Ani Dra. Liz, hindi ito simple dahil may pagka-complicated ang procedure at delikadong umakyat sa utak ang impeksyon. Kung humihingi daw ng kolateral ang ospital ay para matiyak lang na babalik ang pasyente para magbayad dahil marami na raw pagamutan ang nalugi dahil yung mga nag-promisory note ay hindi na nagbalik. Ani Doktora, sa pagkaalam niya ay sa mga public hospital lang yung batas na nagbabawal sa pangho-hostage ng mga pasyenteng kulang ang pambayad. Ang MCI ay pribadong pagamutan.

So be it kung magkagayon. Pero may pagka-arogante raw yung in-charge sa billing na si Jacquelline Pamalin nang sabihin ni Nellie na labag sa batas ang mang-hostage ng pasyente at puwede silang ma-diyaryo. Ang pabalang na sagot daw ay “sige magpa-diyaryo kayo. Hindi kami natatakot.”

Sana, sa mga pagamutan, magtalaga ng mga tauhang marunong makipagkapwa tao at huwag ituturing na balasubas ang isang kliyente porke’t kulang lang ang dalang pera. Ang sakit ay walang pinipiling panahon. Puwede itong dumapo kanino man kahit sa panahong may financial crisis.

Nang ako’y maoperahan noong Nobyembre nang nakalipas na taon sa prostate enlargement, ang bill ko ay umabot lang sa P150,000 kasama ang isang linggong confinement sa Manila Doctors Hospital. Major surgery ito at sa isang kilalang pagamutan. Nagtataka ako kung bakit ang isang operasyon para alisin ang nana sa ipin na isinagawa sa isang pagamutan sa probinsya ay aabot ng kalahati ng aking naging bill. Grabe yata ito.

Show comments