Mausok na komentaryo
“A PICTURE is worth a thousand words”. Ang pinaka-huling pagpapatunay dito ay ang tinawag na “unflatte-ring photo” ni President Aquino na pinagpipiyestahan sa Internet. Kuha ito ng Presidente sa official desk, may malaking Sagisag ng Pangulo ng Pilipinas sa likuran. Nilalarawan si P-Noy na halos walang papeles sa lamesa at mayroong malaking ashtray at sigarilyong nakapatong doon.
Libu-libo na ang mausok na komentaryo sa nilalaman ng litrato. At libo rin ang nagamit nang salita upang intindihin ang pahiwatig ng imahe.
Pangit daw ang interior design – alangan daw sa presidente. Pati ba naman yun papatulan? Kanya-kanyang taste yan. Mas hahangaan pa nga si P-Noy sa nakitaang simple at walang ere na pinagtatrabahuan. Pruweba ito na hindi gagastusin ng anak ni Cory ang pera ng Pilipino para sa sariling pakinabang.
Ang kawalan naman ng papeles ay tanda raw ng kawalan ng inaatupag. HIndi rin makatwiran ang ganitong paratang. Kanya-kanyang istilo din yan sa pagtrabaho. May ibang makalat o burara, meron namang masinop at hindi makayanan ang kalat sa lamesa. Sa totoo lang, ang malinis na lamesa ay maaring tanda ng pagiging masipag. Malay natin na kaya walang files doon ay dahil naaksyunan na ni P-Noy ang libu-libong bagay na nangangailangan ng atensyon. Maaring hindi pa nakumpleto ang appointment ng mga bakanteng puwesto sa ibang kagawaran. Basta sigurado tayong ang Malacañang ay hindi kukulangin sa mga presidential assistant na tutulong sa pagbigay atensyon sa mga executive function ng presidente.
Ngunit paano ipapaliwanag ang sigarllyo at ashtray? Huwag naman tayong insultuhin at sabihing hindi nakasindi kaya walang pruweba na naninigarilyo nga ang presidente. Hindi maglalagay ng ashtray doon kung hindi gagamitin. Baka naman mamahalin itong Kristal na gusto lang i-display. Kung ganoon ay babawiin natin ang obserbasyon na walang ere si P-Noy. Umaarangkada na ang kampanya ng pamahalaan — MMDA, Metro Manlla LGUs, DOH laban sa peligro ng paninigarilyo. Kritikal na bahagi nito ang pagbawal ng paninigarilyo sa pampublikong lugar. Ang dami na ngang maliit na kababayan na nahuli nang naghigpit ang MMDA. Ang tanong ngayon: Paano ito aasahang magtagumpay kapag sa opisina ng Pangulo na pi nakapublikong lugar sa lahat ay walang pakundangang binabale wala ng mismong simbolo ng pamahalaan ang mando ng batas?
- Latest
- Trending