Perpetual jeopardy
UMAMIN si DOJ Sec. De Lima na hindi na maaring panagutin ng batas si Mr. Hubert Webb sa nangyari sa mga Vizconde. Double jeopardy nga raw ang muli itong paratangan gayong pinawalang sala na siya ng mismong Supreme Court. Sa kabila nito, hindi pa rin nagpaawat si De Lima na ilantad kumpleto de publisidad ang hinala na palso ang alibi ni Hubert na nasa Amerika siya nung naganap ang krimen.
Nang inaprubahan ang Saligang Batas kasama ang prinsipyo ng double jeopardy, nagdesisyon ang buong bansa na pahalagahan ang katarungan sa ganitong sitwasyon. Hindi binabalewala ang katotohanan. Mas matimbang nga lang ang interes ng kabuuhan na respetuhin ang hatol ng hukuman. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama ang magiging pasya ng mga mahistrado. Ngunit tama man o mali, dapat itong respetuhin kung mana-naig ang batas sa ating lipunan. Kung hindi ay wala nang saysay ang hudikatura at babagsak ang sistema.
Dahil hindi napatunayan ng Estado ang kasalanan ng akusado, karapatan nitong huli na muling mabuhay nang malaya at walang kinatatakutan. Kung tutuusin, may utang pa sa kanya ang gobyerno na bigyan siya ng katahimikan.
Alam ito ni De Lima ngunit ang nananahimik na si Hubert ay pinili pa rin niyang bulabugin. Ang pagbalik ba ni Hubert sa lipunan ay bilang 2nd class citizen lamang na habambuhay na lang uusigin? Ano pa ang saysay ng hukuman (na talagang ginagawan ng demolition job ng administrasyon)? Ilang pagkakataon ba ang ibibigay sa DOJ para patuna-yang guilty ang isang akusado? Ten, 100 times o walang hanggang katapusan – ano ito, perpetual jeopardy? Saang hukuman niya ngayon ipagtatanggol ang pangalan laban sa pampublikong akusasyon ni De Lima na siya’y sinungaling?
Hindi ito argumento para kay Hubert. Bilang abogado, obligado akong tumulong sa paglinaw ng mga usaping nakakabagabag sa lipunan. Sa ibang bansang may double jeopardy, kapag may ebidensiya na hindi nagsabi ng totoo ang isang pinalayang akusado, hindi pa rin matataob ang kanyang acquittal. Subukan mang litisin sa bagong asunto na perjury – o pagsisinungaling – hindi pa rin ito papayagan. Kapag nilitis kasi ang perjury, hindi maiwasang bisitahin muli ang mga isyu sa kaso ng murder at parang pinaikutan mo lang ang proteksyon ng double jeopardy.
Kinuwestiyon kahit ng Philippine Daily Inquirer kung bakit sinusuportahan ng Malacañang ang desisyon ni De Lima. Tama ang kanilang paalala – hindi maitutuwid ang isang inaakalang pagkakamali ng isa pang pagkakamali.
Sec. Leila de Lima Grade: Leila de Mali
- Latest
- Trending