SA aking Facebook account, hati ang opinion ng mga tao sa kaso ng panununtok ni Davao City Mayor Sara Duterte sa isang sheriff na nagpapatupad ng demolition order ng korte. May mga kumakampi sa Mayora, may mga kumokondena.
Sa legal na aspeto, mali ang ginawa ni Mayora at dapat alam niya ito dahil isa siyang abogada. Nag-bakasyon ng ilang araw si Mayora at acting Mayor muna ang amang si vice Mayor Rodrigo Duterte na todo-suporta sa kanyang anak sa insidenteng pinag-uusapan. Kung siya nga raw ang Mayor, hindi lang suntok kundi may kasama pang tadyak ang gagawin niya.
Kaso, sabihin mang mali at pang-aabuso ang nagawa ni Mayora, sa mata ng kanyang mga nasasakupan (lalu na yung biktima ng demolisyon) isa siyang bayani.
At kapag ang taumbayan na ang pumanig kanino mang pulitiko kahit nakagawa ng mali, mahirap itong salungatin.
Pero naiintindihan ko si Mayora. Marami sa kanyang kababayan ang namatay at nawalan ng tahanan dahil sa biglaang pagbaha sa siyudad. Hands-on siya sa panga-ngasiwa ng relief distribution. Tapos, heto ang sheriff na may dala-dalang order ng korte para idimolis ang isang komunidad ng mga squatters.
Nakiusap lang si Mayora na bigyan siya ng isang oras para kausapin ang mga apektadong pamilya pero hindi nakinig ang sheriff. Nag-init ang ulo ng alkalde kaya magkakasunod na sapok ang ibinigay niya sa sheriff. Mali. Sa ano mang kadahilanan, walang karapatan ang sino man para manakit maliban na lang kung self-defense.
Pero pinagdimlan ng isip si Mayora at nawala ang rason. Ang pagdidilim ng isip ay hindi rason para makalusot siya sa parusa sa kanyang ginawa. Tingin ko naman ay nagsisisi siya ngayon. Nasa huli talaga ang pagsisisi.
Sa ating lipunan ay ganyan ang kultura. Kapag nakikita natin na ipinagtatanggol tayo ng ating leader kahit pa sa lisyang paraan, lagi tayong nasa kanyang panig. Ano man ang sabihin, kahit nagkamali si Mayora, bida pa rin siya sa mata ng kanyang mga nasasakupan. Iyan ang kulturang Pilipino. Kulturang “Robinhood”.