LATHALAIN: Ang mapagpagaling na pagmamahal ng ating Ama sa pamamagitan ni Fr. Fernando Suarez

(Isinalin sa Filipino ni Annalisa P. Astilla mula sa English article “The healing love of our Father through Fr. Fernando Suarez” na sinulat ni Margie Ongkeko at na-lathala sa The Philippine STAR noong Hunyo 19, 2011.)

(Huli sa serye)

SA lahat ng kanyang mga letrato at karatula o poster, sinisiguro ni Father Suarez na natatakpan ng kalis at ostiya ang kanyang mukha upang masiguro na maalala ng mga tao ang pinagmulan ng kanilang paggaling. Ayon sa kanya, pagtitiwala at paniniwala ang nais ng ating Ama mula sa atin. 

Isang kwento ng pagpapagaling ang naalala ni Father Suarez. Hiniling ng kaibigan niyang si Trina David na nasa New York ang panalangin habang siya ay nasa Baguio City. Kinabukasan, nakatanggap siya ng tawag mula kay Trina. Sabi ni Trina, “Hi, Father Suarez, si Trina ito… Si Charlie ay nasa bahay ko habang kayo ay nagmimisa… Meron siyang lung cancer at brain tumor…  Magaling na siya ngayon…. Nagulat ang doctor at hindi ito makapaniwala sa pangyayari.” Sinabi pa niya, “Salamat, Father Suarez, sa pananalangin ninyo sa telepono para sa aking kaibigan.”

“Ang importante pagkatapos na tayo ay gumaling sa pisikal,” paalala ni Father Suarez, “ay ang makilala natin ang pagmamahal ng Diyos. Kapag tayo ay magaling na, huwag tayong huminto. Marami pang maiibigay si Hesus. Mayroon pang mas matimbang na uri ng kagalingan, at ito ay ang kaligayahang dulot ng malalim na pagkakilala sa Diyos.”

Sa pamamagitan ng mga Healing Mass na ginawa niya sa Ireland, London, Australia, Paris, United Arab Emirates, Bethlehem, Saudi Arabia, Canada, Indonesia, New Jersey, California at iba pang dako ng mundo, marami sa mga tao na napagaling na may ibang pananampalataya o relihiyon ang nagsimulang magsaliksik kung saan nanggaling ang biyayang ito ang nakatagpo ng mas malalim na kahulugan ng buhay mula sa kanilang nasumpungang bagong pananalig.

Marami rin ang may pagdududa at sumubok sa kakayanan ni Father Suarez. Naalala niya ang isang pangyayari sa kanyang Misa nang mayroong isang tao na nagkunwaring hindi maka-lakad ng walang saklay ang lumapit sa kanya. Sa pamamagitan ng inspirasyong banal, natukoy ni Father Suarez at ipinanalangin ang kanyang totoong karamdaman na kanser sa tiyan.

Mayroon din naman na hindi agad napapagaling. Huwag dapat mawalan ng pag-asa. Ang ating Diyos, sa kanyang karunungan, kapangyarihan at sa tamang panahon, ay laging nagpapagaling. Ang higit na kaligayahan ay natatamo natin mula sa lumalalim na relasyon natin sa kanya.

Naikwento ni Father Suarez ang istorya ng isang babae na pumunta sa Monte Maria kasama ang buong pamilya upang magdiwang ng kanyang ika-85 na kaarawan. Pagkatapos ng misa, sinabi ng babae na iyon ang pinakamagandang pangyayari sa kanyang buhay na ikinagulat ng kanyang mga anak. Ayon sa kanila, ginawa nila ang lahat ng paraan upang mapaligaya ang kanilang ina, at ito ang nag-iisang pagkakataon na naramdaman nilang ganap siyang maligaya. Totoo nga, lahat tayo ay nagugutom at nauuhaw sa piling ng Panginoon at ang kapayapaan at kaligayahan na ibinibigay Niya ang siya lamang makakatugon.

Pinili ni Father Suarez na bumalik sa Pilipinas at itayo ang Mary Mother of the Poor Foundation sapagkat ang kanyang kaligayahan ay nasa piling ng mga mahihirap. Ang kanyang Lupon, maliban sa misyon ng pagpapagaling, ay sumusuporta sa maraming mahihirap na pamilya sa bansa.

Ibinahagi rin ni Father Suarez na ang kanyang paglalakbay ay nakakatulong din sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa. Sa maraming pagkakataon sila ay pinapahirapan ng ibang uri ng karamdaman—sakit na dulot ng kalungkutan ng pag-iisa at malalim na pangungulila sa Inang Bayan.

Hinihimok ni Father Suarez ang mga kababayan natin sa ibayong dagat na itaas sa ating Ama sa Langit, sa pamamagitan ni Hesus, ang kanilang pangungulila. Ipinapaalala din niya ang importansya na kumapit lamang sila sa pagmamahal ng Diyos. Ayon pa kay Father Suarez, maaaring ang mga manggagawa ay may mga maliliit na trabaho ayon sa kanilang pananaw, subalit sa kabila ng lahat sila ay lubos na minamahal at pinahahalagahan ng ating Diyos. Importanteng maramdaman nating lahat ang pagpapahalaga sa atin ng Diyos. Sa pamamagitan nito ay makikilala natin ng lubos ang ating mga sarili: isang matibay na pagkakilala na hindi kayang sirain ng panghuhusga ng ibang tao.

Sa pamamagitan ng malalim na pagmamahal ng Diyos ay makikilala natin ang ating pagkatao at ang ating halaga bilang tao: Isang katauhang kumpleto at karapat-dapat mahalin at magmahal. At dahil sa pagmamahal na nakamtan natin, maghahangad tayo na maging mabuting tao, mapagmahal at maunawain din kagaya ng pagmamahal na naranasan natin.

Ngayong Linggo sana’y maunawaan niyo, kung gaano Kadakila ang pag-ibig ni Hesus at nawa’y makilala ninyo ang di matingkalang pag-ibig na ito upang mapuspos kayo ng kapuspusan ng Diyos. Dahil sa ating pakikipag-isa at pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang panatag ang loob.

Sa Diyos na makagagawa nang higit kaysa lahat ng maari nating hilingin at isipin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin at kay Hesus magpakailanman.

* * *

(Para malaman ang “Healing Mass Schedule” ni Father Fernando Suarez, maaring bumisita sa kanyang website: www.fr.fernadosuarez.com)

Show comments