Golden rule
MAY tinatawag na “Golden Rule”, na kung sinuman ang may hawak ng ginto ang siyang gagawa ng mga patakaran. Pinatigil ng Kaharian ng Saudi Arabia ang pagbigay ng work permits sa mga gustong magtrabaho sa kanilang bansa mula sa Pilipinas at Indonesia. Ang dahilan, hindi nila nagustuhan ang ilang mga patakaran na dapat sang-ayunan ng mga tatanggap ng domestic workers natin at ng Indonesia, bago sila mamasukan sa trabaho. Ang mga patakaran naman na iyan ay proteksyon lamang para sa mga OFWs ng dalawang bansa, na kadalasan ay inaabuso ng kanilang mga amo!
Maraming masasamang kuwento ang mga OFW kapag nagtrabaho sa Saudi at iba pang mga bansang Arabo. Masama ang kanilang tinutulugan, ang masamang trato sa kanila, ang pang-aabuso, ang hindi pagbigay ng tamang sahod, ang pananakit, ang panggagahasa pati na ang pagpatay pa sa ilan sa kanila! Pero dahil wala ngang makuhang trabaho sa Pilipinas, at sa Indonesia na rin, napipilitang magtrabaho sa Saudi, kahit alam na kung ano ang naghihintay sa kanila roon. Isang milyon tatlongdaang libong Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Saudi. Lahat sila nalalagay sa panganib dahil sa kaugalian ng mga amo nila, na tila walang pakialam ang gobyero ng Saudi.
Kaya gumawa ng mga kundisyon ang mga gobyerno ng Pilipinas at Indonesia para mabigyan naman ng tamang pagtrato at proteksyon ang mga OFW. Hindi nagustuhan ng gobyerno ng Saudi, kaya pinatigil ang pagbigay ng work permit. Sila ang mayaman na bansa, kaya sila ang masusunod. The Golden Rule. Diyan makikita ang pagka-arogante na nadadala ng pagiging ubod ng yaman ng isang tao, sa kasong ito, ng isang bansa. Tila kung ayaw natin, di wag. Marami pa riyan ang gustong mamasukan sa Saudi. Marami pang mga Arabong amo na naghihintay ng maaabuso nila. Kaya ang hamon sa gobyerno ng Pilipinas ay mahanapan ng papasukan ang mga hindi na makakapagtrabaho sa Saudi.
Magaling ang mga OFW natin. Ang pag-intindi ng kahit na konting Ingles ay pabor sa kanila. Pero dahil hindi mapigilan ng gobyerno ng Saudi Arabia ang pang-aabuso ng kanilang mga mamamayan sa mga OFW natin, tayo na lang ang parang sinisisi kung bakit tinigil ang pagbigay ng work permit. Baka likas na malulupit talaga ang mga Saudi, lalo na sa mga mahihirap. Katulad ng sinabi ko nung umpisa, arogante ng ubod ng yaman na bansa!
- Latest
- Trending