^

PSN Opinyon

'Darating na si Papa'

- Tony Calvento -

NAKAABANG siya sa may pintuan. Maya-maya’y lumabas para maglaro. Pagkatapos ay bumalik ulit siya sa may pinto. Umupo. Tumingin sa malayo sabay sa­bing, “Pa, nami-miss na kita…Umuwi ka na para meron na akong Papa dito sa bahay. ”

Ito ang hiling ng isang siyam na taong gulang na batang lalaki.

“Walang kaalam-alam ang anak ko na nakakulong ang ama niya sa ibang bansa. Hindi ko sinasabi dahil ayokong mag-alala siya,” sabi ng ginang na nagsadya sa aming tanggapan.

Mula pa sa malayong lugar ng Nabua, Camarines Sur itong si Milady R. Pascual o Dang, 44 taong gulang.

Inihingi niya ng tulong sa amin ang kalagayan ng kanyang asawang si Nicolas Pascual o Nick na nasa Riyadh, Saudi Arabia.

Ikinuwento sa amin ni Dang na noong taong 2010 nakita niya ang isang 'advertisement' sa dyaryo ng LC Manpower Expertise Corp. Agad niyang inalok ang asawa na dito nalang mag-'apply.'

“Kailangan daw ng 'driver.' Mahusay si Nick magmaneho. Ilang beses na siya nakapagtrabaho sa ibang bansa pero unang beses sa Saudi,” sabi ni Dang.

Ayon kay Dang maganda naman ang naging paguusap sa pagitan ni Nick at ng nasabing ahensiya. Agad inasikaso ni Nick ang mga 'requirements.' Isang kontrata ang pinirmahan niya sa Dulb Trading & Contracting Company, Ltd.

Ika- 26 ng Hulyo 2010 ng makaalis siya patungong Riyadh. Pagdating doon driver ng 'trailer truck' ang naging trabaho ni Nick. Isang nagngangalang Ali Abdulrahman Al Saleh ang 'employer' niya.

Matapos ang isang linggo nagtaka siya kung bakit wala silang maayos na matutuluyan. Wala din sila umanong 'food allowance.' Maging ang dalawandaang riyal (200 SR) na nakasaad sa kontrata bilang allowance ay hindi umano naibigay.

“Kung kelan lang may kukuning kargamento saka lamang magkakaroon ng trabaho ang asawa ko doon. Wala naman palang sariling kompanya iyong Mr. Ali,” ayon kay Dang.

Naging matanong 'di umano itong si Nick sa mga bagay na hindi natupad ayon sa pinirmahang kontrata. Ang ginawa ni Mr. Ali ay inilayo siya at inilipat sa disyerto.

May pinapirmahan din daw sa kanya si Mr. Ali. Hindi niya maunawaan dahil nakasulat sa salitang arabo. Hindi siya pumirma. Nagalit si Mr. Ali at kinuha ang wallet niya.

Doon na napagdesisyunan ni Nick at dalawang pang kasamahan na tumakas mula sa salbaheng employer.

Nilakad umano ni Nick ang pitong kilometrong disyerto para lamang makalayo kay Mr. Ali. Sa pagtakas niyang ito nakilala niya si ‘Mat’ isang kababayan. Tinulungan siya nitong maipasok sa isang 'printing press.' Dito ay nakapagtrabaho siya ng patago.

Isang balita ang nakarating kay Nick mula sa malayong kamag-anak. May mga pinapauwi daw na mga Pilipino sa Jeddah sa tulong ng bise-presidente Jejomar Binay.

Agad namang pumunta si Nick ng Jeddah upang magpalista. Naka-'schedule' silang umuwi noong Ika-28 ng Mayo ngayong taon.

Ngunit hindi nakauwi si Nick. Pinabalik siya sa Riyadh kung saan siya nanggaling at doon ay naaresto nga siya.

Nakulong siya sa Solfi Jail. Minsan ay dinalaw siya ni Mr. Ali at doon ay nagkausap sila. Nais niya na maibalik ang nagastos niya para sa ‘placement fee.’ Nagkakahalaga ito ng Anim na libo limang daang riyal (6,500 SR) o mahigit Pitumpu’t Limang libong piso (75, 449Php). 

Matindi na ang pagaalala ni Dang sa asawa dahil hindi daw ito nakakakain ng maayos at maysakit na. Nahihirapan daw siya makahinga doon. Sobrang siksikan sila sa loob ng selda.

“Panay ang tawag at ‘text’ niya sa akin. Umiiyak na siya habang kausap ko sa telepono. Doon ko na napagdesisyunang humingi ng tulong sa inyong tanggapan,” sabi ni Dang.

Itinampok namin dito sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Dang.

Bilang tulong inirefer namin siya kay Undersecretary Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs. Agad inasikaso ni USEC Seguis ang kaso ni Nick.

Nakipag-ugnayan din kami sa LC Manpower Expertise Corp. kay Sharon Ceniza ang Operations Manager doon.

Ayon sa kanya nasa proseso na daw sila ng 'repatriation' o ang pagpapauwi kay Nick. Nasa 'deportation area' ng Solfi Jail na daw siya. Hinihintay na lamang ang paglabas ng kanyang 'exit visa' at makakauwi na siya ng Pilipinas.

Nakatanggap din kami ng mensahe ng pasasalamat mula kay Dang dahil sa Ika-8 ng Hulyo ay balik pinas na itong si Nick.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi naitatama ang isang mali sa pamamagitan ng paggawa ng isa pang mali. Yung sabihin mong hindi iyon ang uri ng trabaho na ipinunta mo doon may proseso para maisaayos mo kung anuman ang hindi natupad sa kontrata.

Sa kaso naman ng mga hindi sapat na pagkain at walang maayos na tirahan hindi ko naman sinasabi na hindi totoo yan. Nangyayari talaga ang mga ganyang pagkakataon ngunit tila nagi­ging sirang plaka na lahat ay ganito na ang ginagawa.

Maraming salamat sa Department of Foreign Affairs, kay Undersecretary Rafael Seguis dahil halos lahat ng inilapit namin ay kanilang inaksyunan at naging positibo ang resulta.

Para naman kay Nick nakikiisa kami sa pamilya ninyo sa pagpapasalamat na ikaw ay makakauwi at makakasama na ang iyong pamilya.

Magpasalamat tayo sa Panginoon na walang masamang nangyari sa’yo at ikaw ay patuloy Niyang pinoprotektahan.

(Kinalap ni Thea Vito)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig Citymula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

DANG

DOON

ISANG

KAY

MR. ALI

NICK

NIYA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with