EDITORYAL - Babala sa mga naninigarilyo
SA Biyernes (Hulyo 1) ay ipatutupad na nang lubusan ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa Metro Manila, ito ang sabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino. Sa pagkakataon daw na ito ay wala nang warning-warning pa. Aarestuhin ang mga mahuhuling naninigarilyo sa mga pampublikong sasakyan, ospital, mall, tanggapan, palengke, transportation terminal, mga pribado at pampublikong gusali, restaurants, hotels, sinehan at recreational places. Binalaan ni Tolentino ang smokers na huwag manigarilyo sa mga nabanggit na lugar sapagkat mahigpit nang ipatutupad ang Republic Act 9211. Ang mga mahuhuling maninigarilyo ay pagmumultahin ng P500 sa first offense, P1,000 sa ikalawa at P5,000 sa ikatlo at sa mga susunod pang paglabag. Ang walang maibayad ay sasailalim sa walong oras na community service.
Kung maipatutupad nang mahigpit ang batas laban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, marami ang pupuri sa MMDA at dagdag estrelya sa balikat ni Tolentino. Kung hindi naman niya ito maipatutupad, malaki ang magagawang kasiraan sa kanya. Pangalan niya ang nakataya rito at maaa-ring pawang batikos ang malasap niya. Wala ring ipinagkaiba sa iba pang pinuno na ningas-kugon ang nalalaman. Mainam lang sa una pero sa dakong huli ay wala na. Pawang sa simula lang mahusay.
Sakit ang idinudulot ng paninigarilyo at marami nang nagpapatunay dito. Maski si dating President Fidel Ramos ay nagpayo sa mamamayan na huwag manigarilyo sapagkat baka matulad sa kanyang anak na si Jo na namatay sa lung cancer. Huwag manigarilyo para hindi magka-cancer.
Kung istriktong maipatutupad ang batas laban sa paninigarilyo, maraming tao ang maisasalba sa kamatayan. Ayon sa Department of Health, ang usok na ibinubuga ng mga naninigarilyo at malalanghap ng mga hindi naninigarilyo ay napakadelikado. Maaaring magkasakit sa baga ang lumalanghap. Napaka-saklap naman na namamatay din sa cancer ang hindi smokers.
Upang maimulat ni Tolentino ang kamalayan ng smokers, bakit hindi maglagay nang malaking billboards ang MMDA na nagbibigay ng babala sa smokers. Ilagay: BAWAL MANIGARILYO SA PUBLIKONG LUGAR SA METRO MANILA. Mas marami ang makababasa at makapag-iingat sila. Ilagay ang billboards sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
- Latest
- Trending