MATAGAL nang dapat naisabatas ang “Kasambahay Bill” na naglalayong iangat at i-professionalize ang pagtatrabaho ng mga “household worker” sa ating bansa, at tiyakin ang maayos na proteksiyon, pasuweldo at benepisyo para sa kanila. Ito ang iginiit ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Ang Kasambahay Bill ay noon pa isinulong ni Jinggoy. Muli niya itong inihain bilang Senate Bill 78, at naaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong Disyembre 2010.
Direktang makikinabang ang humigit-kumulang na 2.5 milyong household workers na kinabibilangan ng mga maid, cook, houseboy, yaya, tagalaba at hardinero. Kabilang sa mga probisyon ng panukala ang pagkakaroon ng written employment contract sa pagitan ng mga kasambahay at kanilang employer kung saan ay nakasaad ang kanilang period of employment, buwanang suweldo, annual salary increase, mga tungkulin at responsibilidad, pati ang kanilang working hours at day-off schedules, living quarter at iba pa. Kasama rin dito ang pag-e-enroll ng mga kasambahay sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Layon din nito na tiyakin ang maayos at ligtas na lugar ng pagtatrabaho ng mga kasambahay, gayundin ang pagkilala at pagrespeto sa kanilang mga karapatang-pantao, pati rin ang sapat na proteksyon sa kanila laban sa pagmamaltrato.
Itinatakda rin ng panukala ang pagsasagawa ng mga local government unit (LGU) ng rehistrasyon ng mga kasambahay at kanilang employer upang ma-monitor at matiyak ang ganap na pag-iral ng naturang hakbangin, at ang pagpapatupad ng mga gender-responsive pro gram para sa kapaka-nan ng mga nagseserbisyo sa mga kabahayan.
Kamakailan ay inapru-bahan ng International Labor Organization (ILO) sa Geneva, Switzerland ang Domestic Workers Convention of 2011 bilang pagkilala sa mga karapatan ng mga kasambahay sa buong mundo.
Ayon kay Jinggoy, dapat i-certify ni President Noynoy Aquino bilang urgent measure ang Kasambahay bill.