NITONG nakaraang linggo lamang ay nagbigay na ng babala ang BITAG hinggil sa sunod-sunod na holdapan sa Lungsod ng Quezon pa lamang.
At bago magtapos ang linggong ito, mabilis na kumilos ang Quezon City Police District, dalawang holdaper ang natiklo sa kamay ng mga otoridad ng Quezon City.
Maging ito man ang suspek na nilalaman noon ng aming kolum o hindi, pinag-iingat pa rin ng BITAG ang lahat. Hangga’t may oportunidad ang mga holdaper, mambibiktima ito ng mga pasahero’t ordinaryong tao.
Isang biktima mula sa Consolacion Cebu City ang nagpadala ng kaniyang sumbong sa pamamagitan ng e-mail na may kinalaman sa holdapan sa kanilang lugar.
Subalit imbes na holdaper ang kaniyang ireklamo, ang mga otoridad sa kanilang probinsiya ang kaniyang isinusumbong. Kabilang dito ang kanilang barangay at lokal na estasyon ng Pulis.
Sa sumbong ng biktima, matagal nang laganap ang robbery hold-up sa kanilang probinsiya pag sumasapit na ang dilim.
Ang mga suspek, riding in tandem at sa mga hintayan ng pampublikong sasakyan ang area of operation ng mga putok sa buhong holdaper. Armado ng 38’ rebolber, tututukan ng mga ito ang napiling bibiktimahin sabay lilimasin anumang gamit nito.
Subalit hindi dito natapos ang problema ng mga biktima, dismayado sila paglapit sa Barangay Hall pagkatapos mismo ng insidente. Tulog daw lahat ng tanod at naka-lock pa ang pintuan ng Barangay.
Lumipat sila sa pinakamalapit na stasyon ng pulis subalit parehong eksena rin ang kanilang nadatnan. Bungad daw sa kanila ng desk officer “robbery na naman sa inyong lugar? sige e ba-blotter na lang natin”.
Hindi pa rin daw sumuko ang biktima, ipinaabot ito sa mismong kapitan ng Barangay upang may magawang aksiyon. Subalit tugon sa kanila ni Kapitan, “buti na lang at nakinabang din ang mga tulisan sa pinaghirapan nyo, share your blessings na lang.’ sabay tawa”.
Tanong ng biktima sa BITAG, “tama po ba ’yun bilang isang tagapama-hala ng lipunan???
Sagot ng BITAG, MALI! Imbes daanin sa biro ang lahat ay dapat na maalarma ang Barangay Hall ng Brgy. Pitogo, Consolacion Cebu na tinutukoy ng biktima sa kolum na ito.
Kaya’t sa panawagan ng biktima, kinakalampag namin ang mga nabanggit na otoridad sa kolum na ito. Hoy gising! Nakakaawa ang mga residenteng nabubuhay na sa takot at kaba na sila na ang susunod na mabibiktima.
Huwag niyo ng hayaang kami pa ang magpadala ng undercover diyan sa inyong probinsiya at magpanggap na biktima upang maidokumento sa camera at maipakita sa telebisyon ang inyong pagwawalang-bahala sa krimeng ito. Kilos pronto!