KAHINDIK-HINDIK ang nangyayari sa ilang menor-de-edad ngayon. Mura o bubot pa ay pinipitas na sila. Bago pa lang bumubukadkad ay sinalaula na. Ano ba ang nangyayari at maagang nahuhulog sa pusali ang mga menor.
Noong nakaraang linggo, isang dalagita ang ibinugaw umano ng isang barangay chairman sa tatlong miyembro ng Presidential Security Group (PSG). Ayon sa dalagita, naglalakad siya dakong alas-onse ng gabi nang lapitan siya ng barangay chairman. Tinanong daw siya kung bakit gabing-gabi na ay nasa kalye pa. Isinakay daw siya sa kotse at dinala sa may Malacañang at doon, tatlong PSG raw ang nangmolestiya sa kanya sa barracks. Nagsumbong ang dalagita sa mga pulis at inaresto ang barangay chairman. Sumuko naman ang isa sa PSG na nangmolestiya sa dalagita.
Sa Pasay, isang dalagita rin ang ginahasa ng tatlong kabataang lalaki sa loob ng kariton sa Malibay, Pasay City. Mga menor-de-edad din umano ang tatlo. Ayon sa mga barangay tanod, nagtaka sila nang makita ang isang gumagalaw na kariton habang nasa silong ng Metro Rail Transit (MRT). Nang lapitan ng mga tanod nagulat sila sapagkat nakapatong sa dalagita ang isa sa mga suspek. Ayon sa mga suspek, ibinugaw sa kanila ang dalagita ng isang bakla.
Noong nakaraang linggo, isang mag-asawa ang hinuli ng awtoridad dahil inuutusan ang mga anak na 10, 11, 12 anyos na babae na magsayaw nang hubad habang nakatutok ang camera ng computer. Ibinibenta nila sa mga dayuhan ang murang katawan ng anak sa pamamagitan ng cybersex.
Maraming nangyayaring ganito. Kadalasang ang mga biktima ay mga menor-de-edad na babae. Nasaan ang mga magulang ng mga dalagitang ito at hinahayaang gumala sa dis-oras ng gabi? Hindi na ba nagagabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak?
Nararapat parusahan ang mga masasamang magulang. Mabigat na parusa ang igawad sa kanila.