Mga Pilipino ay dakilang lahi
Kaya sa daigdig tayo’y natatangi;
Sa mga labanang tayo’y katunggali
Laging nangunguna at di naaapi!
Sa mg labanang tayo ay kalahok
Itong buong lahi’y nakikipaghamok;
Laban sa Kastila tayo ay nabantog –
Kontra mga Kano tayo’y di natakot!
Lahing Pilipino’y likas na matapang
Ang diwa ni Rizal nanguna sa laban;
At si Bonifacio sa tabak na tangan
Itong Katipunan naging matagumpay!
Sa pamamahala mayron tayong Quezon
At ang Social Justice kanyang pinayabong;
Ngayong ang pangulo ay anak ni Ninoy
Sa kanyang diskarte bagsak ang korapsyon!
Sa bagong panahon isang Manny Pacquiao
Nagpakitang gilas – matapat lumaban;
Sa larangang sports ay kanyang nakamtan-
Paghanga ng mundo ating karangalan!
Dahil sa ang bansa’y maraming masipag
Sa ibayong dagat trabaho’y hinarap;
At doon man sila ay naging matapat
Mga bayani ring tinanghal na ganap!
Sapagka’t ang lahi’y may gintong layunin
Maging sa negosyo nangunguna pa rin;
Itong ating bansa’y maraming pagkain
Dahil magsasaka’y masipag magtanim!
Mga mangingisda’y hindi nagsasawa
Pumapalaot din kahi’t na may sigwa;
Laging uwi nila ay maraming isda –
Para sa pamilya at sa buong bansa!
Marami ang bansang sa ati’y naghangad
Na tayo’y agawan ng ating watawat;
Subali’t sa tagdan di nila natinag
Sapagka’t ang Pinoy sa tapang ay kidlat!