ANG Pilipinas ay may dalawang panahon, ang tag-init at tag-ulan. Maikli ang tag-init ngayong taon, di katulad noong 2010 na napakatindi ng init ng panahon. Ngayon, bumabawi naman ang tag-ulan. Ilang araw nang umuulan kahit wala namang bagyo na direktang dumaan sa bansa. Lumigid lang ang dalawang bagyong magkasunod. Pero grabe naman ang binuhos na ulan sa bansa. Kung ang La Mesa dam noon ay parang lawang natutuyo, ngayon ay mistulang dagat na at umaapaw pa!
Pero may isang klaseng kaganapan ng panahon na halos hindi nangyayari sa bansa – ang tornado o buhawi o ipuipo. Isang malakas na buhawi ang biglang tumama sa lugar ng New Manila sa Quezon City. Sa lakas nito, nagliparan ang mga bubong ng ilang mga bahay. At hindi ko pinag-uusapan ang mga bahay ng informal settlers, kundi mga townhouse at bahay ng mga residente ng New Manila! Ganun kalakas! Ang pagkalarawan pa nga ng isang nakakita sa buhawi ay tila isang maitim na gusali na paikot-ikot, na puro basura, yero at puno! Tanghali ng Huwebes naganap. Akala ng mga residente roon ay katapusan na ng mundo! Kahit siguro ako na hindi rin nakakita nang malaking buhawi ay matatakot at ganun din ang iisipin!
Mabuti na lang at nawala rin kaagad, pero nagdulot nang malaking danyos sa binulabog na komunidad. Mabuti at walang namatay pero may nabagsakan ng bisikleta sa kasagsagan ng buhawi. Mabuti hindi matalas na yero o puno ang bumagsak. Puno nga ng kalat ang kalye ng Doña Hemady sa Quezon City. Mga malalaking sanga ng puno na hindi mo maiisip na mapuputol ng hangin ay nagkalat sa kalsada. Mga linya ng telepono at ilang linya ng kuryente ang naputol. Ipagdasal natin na hindi na maulit ang ganitong klaseng lagay ng panahon sa Pilipinas. Hindi ko maisip kung tatamaan tayo ng mga buhawi katulad ng mga nagaganap sa Amerika, kung saan mga bahay, baka, sasakyan at tao na ang natatangay! Huwag na huwag rin mangyari na bumagsak na rin ng niyebe sa atin at lumamig nang husto. Napakaraming pamilya ang hindi handa para sa ganyang klaseng lagay ng panahon. Tunay na nagbabago ang klima ng mundo. Pero may panahon pa para mabawasan ang mga bagay na nagiging sanhi ng mga pagbabagong ito katulad ng polusyon, para manatili ang Pilipinas pa rin sa dalawang klaseng lagay ng panahon, tag-init at tag-ulan.