NAGTALUMPATI si President Noynoy Aquino sa Calamba City noong nakaraang Linggo bilang paggunita sa ika-150 kaarawan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Maganda ang kanyang sinabi na dapat daw ay tularan ng mamamayan ang mga ginawa ni Rizal. Hindi raw naligaw ng landas si Rizal at bagkus ay naging instrumento pa para sa pagkakamit ng kalayaan. Malaki ang nagawa ni Rizal para mapalaya ang Pilipinas sa kuko ng mga dayuhan. Ginawa niya ito hindi sa pamamagitan nang dahas kundi sa panulat. Dalawang nobela niya — El Felibusterismo at Noli Me Tangere ang nagmulat sa mga Pilipino para hangaring makalaya. Maski si Andres Bonifacio ay nagkaroon ng ibayong tapang at sigasig makaraang mabasa ang nobela ni Rizal. Doon nagsimulang mag-alab ang kanyang damdamin para lumaban sa mga Kastila. Nang ipatapon ng mga Kastila si Rizal sa Dapitan, iminungkahi ni Bonifacio na i-rescue siya. Itatakas umano siya sa piitan. Tinanggihan ni Rizal ang mungkahi ni Bonifacio sapagkat naipangako niya sa mga Kastila na hindi siya tatakas. Binaril siya sa Bagumbayan. Doon na nagsimula ang rebolusyon.
Sabi ni P-Noy, tuwid ang landas na tinahak ni Rizal. Hindi siya nagkamali sa paghakbang at hinarap ang mga pagsubok. Hindi raw matatawaran ang mga katangian ni Rizal bilang bayani. Ang mga ginawa raw ni Rizal ang dapat tularan ng mga Pilipino.
Tama si Presidente Aquino na dapat tularan si Rizal at tahakin din ang landas nito. Dapat din namang sinabi ng presidente na gayahin din ang ginawang pagsisiwalat ni Rizal ng mga kabulukan ng mga Kastila sa pamamagitan ng panulat. Dapat maging mapagmatyag ang taumbayan sa mga corrupt sa pamahalaan at ireport ang mga ito. Sana, sinabi ng presidente na handa niyang protektahan ang mga magsisiwalat ng kabulukan at mga nagnanakaw sa kabang-yaman.