SUMIKAT na manunulat si Amy Tan (bestsellers: The Joy Luck Club, The Kitchen God’s Wife, The Hundred Secret Senses) hindi dahil sa malaking break, kundi sa pagkaka-sibak. Dati siyang account manager ng technical journals, at ang sinusulat lang niya ay business proposals. Kumikita nang sapat pero hindi masaya si Amy, kaya nagsabi sa amo. Ika ng amo, mahusay siya sa account servicing at mamumulubi lang sa malikhaing pagsusulat. Matapos ang mahaba at insultuhang pagtatalo, sumigaw si Amy na aalis na lang siya. Sagot ng amo, hindi siya kailangan lumayas dahil sinisibak na siya. Na-challenge si Amy, at pinatunayan sa dating amo —at sa mundo — ang galing sa pagsusulat.
* * *
Sa clinic ni Dr. Judah Folkman ay photocopy ng artikulo sa New York Times nu’ng 1903. Sa artikulo, tinuya ng mga propesor ng physics ang “imposibleng” pagpapalipad ng eroplano. Tatlong buwan lang noon bago hawiin ng Wright Brothers ang himpapawid sa Kitty Hawk.
Dekada-70 nang sinuri ni Folkman ang posibilidad na umusbong muli ang blood vessels sa mga tumor, para mapawi ang cancer. Tinuya siya ng mga “eksperto,” na nagsabing imposible mangyari ‘yun, kaya huwag na siya mag-aksaya ng panahon sa “pag-aaral ng basura.” Hindi niya pinansin ang masasakit na salita. Dalawang dekada siya nagpursigi, miski paunti nang paunti ang nakikinig sa kanya. Sa isang convention, nag-walkout ang kalahati ng audience. Naulinigan niya ang sabi ng isa: “Serohano lang siya, ano’ng alam niya sa cancer research?”
Pero napatunayan ni Folkman na nagkaka-angiogenesis nga. Sa pagpapatubo ng bagong blood vessels sa mga tumor, mahigit 100,000 pasyente ang napapagaling niya taon-taon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com