ISANG taon na sa Hunyo 30 ang gobyerno ni President Noynoy Aquino. Ang bilis malagas ng panahon. Parang kailan lang niya sinabi, “Kami ay narito para magsilbi at hindi para maghari. Ang mandato ninyo sa amin ay pagbabago—isang malinaw na utos para ayusin ang gobyerno at lipunan mula sa pamahalaang iilan lamang ang nakikinabang tungo sa isang pamahalaang kabutihan ng mamamayan ang pinangangalagaan.
Sigaw natin noong kampanya: “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hindi lamang ito pang slogan o pang poster—ito ang mga prinsipyong tinatayuan at nagsisilbing batayan ng ating administrasyon. Ang ating pangunahing tungkulin ay ang magsikap na maiangat ang bansa mula sa kahirapan, sa pamamagitan ng pagpapairal ng katapatan at mabuting pamamalakad sa pamahalaan…’’
Kamakalawa ay lumabas ang bagong survey ng Social Weather Stations (SWS) at nagpapakitang bumaba ang rating ni P-Noy. Noong November 2010 ay +64 ang rating niya pero noong Marso ay naging +51 at ngayong Hunyo ay +46 na lamang. Pero ang sabi ni P-Noy, hindi naman siya nababahala sa pagbabago ng rating. Ang popularidad daw ay bumababa at tumataas.
Wala namang gaanong sinabi sa survey kung ano ang dahilan ng pakonti-konting dausdos ng rating ng presidente. Pero may posibilidad na ang mabagal na pagpaparamdam sa kaginhawang inaasam ang dahilan. Masyadong umasa sa mga sinabi ni P-Noy noong nangangampanya. At hindi naman masisisi ang mamamayan sapagkat sa mga nakaraang administrasyon ay dusa rin ang nalasap. Naghahanap ng agarang remedyo ang mga naghihikahos. Gusto nila, malasap na ang sinasabing bunga ng paghihirap.
Kamakalawa, nilagdaan ni P-Noy ang apat na batas na ayon sa kanya ay pawang mahihirap ang makikinabang. Isa sa nakita naming pinakamaganda at makabuluhang batas ay ang Republic Act 10152 o ang mandatory basic immunization services for babies and children. Babakunahan na ang mga sanggol laban sa mga sakit, 24-na oras makaraang ipanganak.
Nararapat ito para mapangalagaan ang buhay ng mga bata. Sana ay agaran itong maipatupad para madama ang sinasabing pagbabago patungo sa tuwid na landas. Sana nga, malasap na ang kaginhawahan.