NAGLABAS na ng desisyon ang Korte Suprema at inutusan sina retired Maj. Gen. Jovito Palparan at ilang militar na ilabas o palayain na ang dalawang estudyante ng University of the Philippines at isang magsasakang taga-Bulacan, na dinakip ng mga armadong kalalakihan. Base sa desisyon ng Mataas na Hukuman, sila ang may responsibilidad para sa pagkawala nung tatlong tao. May testigo pang nagsalaysay na nakita niyang pinahirapan ang mga dinakip sa isang kampo militar, at sinusunog pa ang katawan nung magsasaka! Limang taon na silang nawawala, sa hinagpis ng kanilang mga kapamilya. Limang taon na silang naghahanap ng hustisya, ng mga makikinig sa kanilang mga daing at hiling na sila’y tulungan. Ngayon lang nagkaroon ng konkretong resulta ang kanilang paghihirap, pagkatapos ng limang taon!
Pero malayo pa ang paglutas sa kanilang problema. Ayon kay Palparan, na kinikilalang berdugo ng mga taga-lalawigan dahil sa kanyang mabigat na kamay sa pagtrato sa mga tingin niyang “kalaban ng gobyerno”, hindi raw niya masusunod ang utos ng Korte Suprema dahil wala naman sa kanya ang tatlong hinahanap. Hindi niya mailalabas dahil wala raw siyang ilalabas. Baka nagsasabi nga ng totoo ang retiradong heneral. Wala nga sa kanya dahil patay na lahat. Wala nga sa kanya dahil nakalibing na kung saan. Diyos at sila lang ang nakaaalam. Wala nga sa kanila dahil pagkalipas ng limang taon, baka mga buto na lang ang matitira sa kanila! At pahayag din ng AFP na wala sa kanila ang tatlong nawawala. Ganun na rin ang isasagot ko. Wala sa kanila dahil patay na nga!
Katulad na lang ng lahat, ang desisyon ng Korte Suprema ay huling-huli na para makatulong pa sa pagbigay hustisya at katapusan sa mga kamag-anak nung tatlong nawawala. Limang taon na ang lumipas. Si Palparan, mambabatas na. Ewan ko ba sa mga ibang Pilipino kung bakit gustung-gusto ilagay sa puwesto ang may mga bahid ng katiwalian, korapsyon, krimen katulad ni Palparan. Para mas bida ang isang gustong pumasok sa pulitika kung may masamang kasaysayan! Pero ganun na nga ang nangyayari, kaya kapag kailangan nang habulin, may kapangyarihan nang lumaban ng ligal kung dati ay kontra sa batas ang mga kilos! Ngayong may desisyon na ang Mataas na Hukuman na ang pagkawala ng tatlo ay nasa sa mga kamay ni Palparan at mga kasama niya, ngayon na rin sila kasuhan ng kriminal! Di ko naman alam kung ano ang magagawa ng dalawang babae at isang magsasaka para maging kalaban ng gobyerno, na kailangan pang pahirapan at patayin! Mas maraming kalaban ang gobyerno na armado, bumibihag at pumapatay. Bakit hindi iyon ang hinuli ni Palparan at pinahirapan? Dahil armado at ang mga estudyante at magsasaka ay hindi?
Gaano pa kaya katagal maghihirap ang mga kamag-anak nina Sherlyn Cadapan, Karen Empeño at Manuel Merino?