LTO Chief napikon daw?
NOONG bagong upong LTO Chief si Virginia Torres, isa ako sa mga mamamahayag na inimbitahan niya sa isang pananghalian sa Quezon City. Kung hindi ako nagkakamali ay Setyembre o Nobyembre ito nung nakalipas na taon bago ako sumailalim sa isang operasyon.
Ikinukuwento niya noon na “close” siya kay Presidente P-Noy. Isang “shooting buddy” ng Pangulo. Sa isa umanong shooting session nila ay inalok mismo ng Pangulo kay Torres ang posisyong LTO Chief. Ang sabi ko nga “paano ka naman makakatanggi kung Presidente na ang nag-aalok?”
Nagtataka ako kung bakit ngayon, tahasan niyang itinatanggi na malapit siya sa Pangulo at hindi siya matatawag na “kabarilan” nito. Siguro ayaw niyang madamay ang Pangulo sa usapin. Pero maiiwasan ba iyan? Binabatikos si P-Noy dahil sa grupong “KKK” o Kabarilan, Kaibigan at Kaklase na umano’y binibigyan ng espesyal na pabor ng Palasyo. Ang pinag-uusapan natin ay usapin na kung hindi mareresolba ay puwedeng magpabagsak sa Pangulo. Dapat purihin ang mga magagandang nagagawa ng Pangulo pero di dapat balewalain yung mga bagay na nagbibigay batik sa kanya.
Binabatikos si P-Noy dahil sa pagpapabalik niya kay Torres. Umugong pa nga ang tsismis noon na ito ang dahilan ng pagre-resign ni DOTC Secretary Ping de Jesus.
Ngayong nakabalik na sa puwesto si Torres, iniulat ng ating reporter na si Angie dela Cruz na nagpakita ito ng pagkapika sa una niyang press conference matapos na siya’y usisain tungkol sa nagbabagang isyu sa Stradcom na ang serbisyo’y hindi pa nababayaran hangga ngayon. Ang Stradcom ang IT provider sa computerization ng LTO.
Nagpatawag daw ng press conference si Torres pero halos wala pang 30 minuto ay agad niyang tinapos nang inuusisa na siya tungkol sa IT provider ng LTO na Stradcom Corp. Napikon daw ang ale! Nang habulin ng reporters si Torres para patuloy na tanu- ngin, hindi raw sila nakadiskarte dahil hinahawi sila ng mga nakapalibot na tauhan ni Torres.
In fairness, pinapasok din kalaunan sa kanyang opisina ang mga mamahayag pero pili lamang daw tulad ng ilang TV crew at reporters ng print media.
Para sa akin, diskresyon ng Pangulo ang paghirang ng sino mang opisyal pero ang ikinatatakot ko lang ay baka lalung bumulusok ang kanyang rating na lubhang mahalaga para sa sino mang namumuno sa bansa. A leader is as good only as the support and confidence given him by the people.
- Latest
- Trending