Daddy
FATHER’S day noong Linggo. Araw ng pagbibigay pugay at pagmamahal sa mga amang walang pagod sa pagbibigay ng lahat ng pangangailangan sa kanyang pamilya. Protektor, taga-suporta, taga-gabay at madalas rin, taga-disiplina ng pamilya! Totoo nga, na madalas hindi naiintindihann ang mga ama ng pamilya, kung bakit tila laging may problema, laging bugnutin, laging mainit ang ulo. Tila hindi malapitan at kailangan hanapan ng tamang tiyempo at diskarte para hingan ng ilang bagay na kailangan para sa tahanan, para sa paaralan, para sa laro. Si Bill Gates, ang founder ng Microsoft at isa sa pinaka-mayamang tao sa mundo, ang nagsabi na kaya ganyan ang mga ama, ay dahil binubuhay nila ang kanilang pamilya. Kaya hindi dapat sisihin.
Ang tatlong kapatid ko puro mga ama na rin. Iba-iba ang kanilang estilo sa pagpapalaki at pag-aalaga sa kanilang mga pamilya. Ang isa ay mahigpit at tila mga sundalo ang pinalaki. Puro mga lalaki kasi ang anak, na malalaki na at matatalino pa. Isa naman ay makarinyo sa kanyang mga bata pang anak na babae, kaya napakalapit nila sa kanilang ama. Ang isa naman ay nabigyan ng Diyos ng tig-isang babae at lalaki, kaya pantay na pantay ang kanyang pagmamahal sa dalawa.
Naaalala ko naman ang aking ama na yumao na. Halos pitong taon na rin siyang sumakabilang-buhay pero hinahanap ko pa rin ang kanyang pagmamahal, ang kanyang gabay, ang kanyang pagkatao, ang kanyang pagmamahal. Wala akong alaala na siya’y nagalit nang matindi. Laging mahinahon, laging lamigin ang ulo. Sayang at hindi na nga siya umabot sa kasal ng kanyang anak na babae noog 2009. Hangad ko sana, siya ang nag-abot sa akin sa aking naging asawa, pero wala ito sa plano ng Diyos. Napakasaya rin sana kung inabutan ang iba pa niyang mga apo!
Sana ay naging maganda rin ang inyong mga Father’s Day. Mahalin sila kahit sila’y mahirap maintindihan. Respetuhin sila dahil sila nga ang padre de pamilya. Suportahan din sila dahil hindi madali ang lahat ng kanilang ginagawa. Masasabi ko lang, na kahit matanda ka na at nagsasarili sa buhay, hahanapin mo pa rin ang inyong mga ama para sa napakaraming bagay. Kung nandyan pa sila. Sa kaso naming magkakapatid, nawala na ang pagkakataong iyon.
Happy Father’s Day, Ramon Sr.!
- Latest
- Trending