Impormasyon tungkol sa Spratlys, Recto Bank

DAPAT impormahan ang madla tungkol sa Recto Bank at Spratlys. Mabuting panimula ang muling pagtawag ng gobyerno ng West Philippine Sea sa bahagi ng South China Sea na nasa teritoryo ng Pilipinas. Mainam ring gamitin ang mga taguring Pilipino sa mga pulo, reef, shoal at bank na pag-aari o inaangkin ng Pilipinas. Tulad ng, Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal), bahagi ng Masinloc, Zambales, na muntik agawin ng Tsina nu’ng 1997 kundi hinarang ng Philippine Navy. Bahagi ng Palawan ang Rizal (Commodore) Reef, kung saan nu’ng 1991 nagtirik ang Malaysian frogmen ng bandila, kaya kinanyon ng Pilipinas.

Bayan sa Palawan ang Kalayaan, binubuo ng pitong pulo na okupado ng sundalong Pilipino, at isang reef. Tinatag nu’ng 1978 ng PD 1596, isa lang ang barangay nito, Pag-asa, na pinakamalaking pulo (37.2 ektarya). Namumuno ang mayor sa halos 300 residenteng mangi­ngisda, magpapastol at mananaliksik. Nasa gilid ng Spratly archipelago ang Kalayaan Islands, kaya inaangkin din ng China, Taiwan at Vietnam.

Ang Recto (o Reed) Bank, tulad ng Bajo de Masinloc at Rizal Reef, ay bahagi ng Pilipinas. Nakatuntong ito sa ating continental shelf, 80 nautical miles (148 km) sa gilid ng Palawan. May natuklasang oil at gas sa Sampaguita Field ng Recto Bank, tulad ng sa karatig na Malampaya.

Nu’ng 2005 nakipag-Joint Marine Seismic Undertaking si Gloria Arroyo sa Tsina. Isu-survey kuno ang “disputed waters” ng Spratlys. Pero sa 142,886 square-km na sakop ng JMSU, 80% ay nasa Recto Bank. Kumbaga, binigyan ni Arroyo ng palusot ang Tsina, 576 miles (1,066 km) ang layo, na angkinin ang Recto Bank -- na ginawa nga nito nu’ng 2009. Kapalit ng pagsuko ni Arroyo ng teritoryo ng Pilipinas sa Tsina ay mga pautang na may “tong-pats”: NBN-ZTE, Northrail, Southrail, atbp.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: mailto:jariusbondoc@workmail.com

Show comments