Paano pala ang labanan sa Spratlys?
MAG-AAPAT na buwan na nang magsimula ang gulo sa Libya, pero tila wala pang malinaw na pagtatapos sa krisis doon. Yung akala ng marami na mapapatalsik o mapapatay na si Muammar Gadhafi ng mga rebeldeng may suporta mula sa NATO ay nagkakamali hanggang ngayon. Buhay na buhay pa rin ang diktador, at may suporta pa rin ng ilang mga siyudad at militar. Kaya tila patintero ang laro ngayon sa Libya, kung saan mga importanteng lungsod ay papalit-palit ng kamay. Ang talo rito ay ang mga mamamayan ng Libya, pangalawa na ang mundo.
Nang magsimula ang gulo, konti lang ang binigay na pag-asa sa mga rebelde, dahil sa kakulangan nila ng kagamitan para labanan ang mga puwersa ni Gadhafi. Pero dahil sinuporta sila ng ilang mga lungsod, naging matagumpay ang kanilang pagsalakay at nahawakan ang ilang lungsod papalapit sa Tripoli. Pero natutulak sila ng mga puwersa ni Gadhafi paminsan-minsan, dahil sa malalakas na armas at kagamitan katulad ng mga tangke. Dahil dito, pumasok ang NATO at gumamit ng mga eroplano para itulak naman ang mga tangke at malalakas na sandata ni Gadhafi. Panabla, resbak.
Pero base sa kasaysayan, walang nagtatagumpay sa digmaan sa pamamagitan ng lakas-himpapawid lamang. Kailangang maglagay ng mga sundalo na sasalakay sa kinalalagyan ng pinuno ng iyong kalaban. Kailangan maging madugo ang labanan. At dito hindi pa handa tumulong ang NATO. Kung baga, dinadaan sa teknolohiya ang digmaan, pero ang mga prinsipyo ay katulad pa rin ng mga prinsipyo ng sinaunang panahon. Kailangan mo ng mga sundalo. Kaya kung hindi papasok sa isang labanan sa lupa ang NATO, baka matagalan pa ang gulo sa Libya. Maliban na lang kung mapuruhan ng mga eroplano si Gadhafi.
Ano kaya ang mangyayari kung sa Spratlys magkaroon ng labanan, eh may mga isla diyan na nawawala na lang sa ilalim ng dagat paminsan-minsan? Nakakatawang isipin nga naman, kung maglalagay ka ng mga sundalo na dapat naka-panlangoy na rin habang lumalaban! Pero seryosong usapan, kung hindi nagtatagumpay sa digmaan sa pamamagitan ng teknolohiya o lakas ng sandata (tingnan ninyo lang ang Iraq at Afghanistan) lamang, paano pala ang labanan sa Spratlys kung sakali? Kaya dapat idaan na lang sa mabuti at mapayapang usapan, di ba?
- Latest
- Trending