MARAMING baril na nagkalat kaya walang tigil ang pagtaas ng krimen. At kung hindi magkakaroon nang maigting na paghanap at pagkum-piska sa mga hindi lisensiyadong baril, patuloy ang paglaganap ng krimen.
Magkasunod na pinatay ang dalawang babae sa Quezon City at baril ang ginamit sa pagpatay. Tinambangan noong Martes ng gabi sa kanto ng Commonwealth at Regalado Ave. ang isang babae habang nagmamaneho. Maraming inubos na bala sa babae. Ayon sa mga nakasaksi, mga kalalakihang nakasakay sa isang van ang tumambang at pawang mga long firearms ang ginamit. Matapos ang pananambang walang anumang umalis ang mga suspect. Sa bilis ng pangyayari, napatda ang mga taong nasa lugar. Wala namang pulis na agad nakaresponde. Ang lugar na pinangyarihan ng krimen ay matao. Busy ang lugar na iyon sapagkat may mall, hamburger chains, gasolinahan at iba pang establishments na pawang pinupuntahan ng mga tao.
Kinabukasan, isang babae na naman ang nabiktima ng mga masasamang-loob. Nangyari rin ang krimen sa Quezon City. Inagaw ang bagong Hyundai Accent sa babae. Nang tangkain ng babae na harangin ang kotseng tangay, binaril siya ng mga lalaki. Pero hindi pa nasiyahan ang mga salarin at sinagasaan pa ang babae. Naganap ang krimen sa kaliwanagan ng araw. At wala ring pulis na nakaresponde gayung malapit lang doon ang isang police station.
Sumunod na araw, isang pulis naman ang pinatay ng tatlong holdaper sa Taguig. Pinagbabaril ang pulis habang kumakain sa isang restaurant. Nakaganti ng putok ang pulis at tinamaan ang isa. Nakatakas ang dalawang holdaper. Nakapagtatakang wala rin namang nakarespondeng pulis.
Ang pagkalat ng mga baril ang dahilan ng pagtaas ng krimen. Mabilis makagawa ng krimen dahil kumpleto sila sa baril. Bakit hindi masawata ng PNP ang pagkalat ng baril? Hindi kaya mga sundalo at miyembro ng PNP ang gumagawa ng krimen kaya sila may baril? Kumilos sana nang mabilis ang PNP para masabat ang mga taong nag-iingat ng di-lisensiyadong baril.