HINDI na bago ang mga kuwento ng kalunus-lunos na dinanas ng ating mga kababayan na naging biktima ng mga kaso ng human trafficking in persons. Libu-libo na ng ating mga kababayan ang naging biktima ng mga walang-awang illegal recruiters na hanggang ngayon ay patuloy na pinagkaperahan ang masamang gawaing ito.
Karamihan sa mga kaso ay pangre-recruit ng mga babae bilang mga kasambahay o salesgirls ngunit nahuhulog na guest relations officers (GRO) o commercial sex workers na labag sa kanilang kalooban.
Tinatayang may 27,000 biktima ng human trafficking noong 2010. At siguradong mas mataas pa rito ang bilang ng mga biktima dahil karamihan ay hindi nagre-report sa mga otoridad.
Lumabas sa conference ng judges at prosecutors nitong nakaraang Miyerkules at Huwebes na ginanap dito sa Waterfront Insular Hotel Davao na pinakamatindi ang mga kaso ng human trafficking sa Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Maliban sa Zamboanga, ang mga lalawigang ito ay mga kasapi ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) at kabilang sila sa listahan ng 20 na mga pinakamahirap na mga lalawigan sa Pilipinas. Sinasabing ang kahirapan at matinding gutom ang dahilan kung bakit marami ang naging biktima ng human trafficking sa Western Mindanao.
At dahil malapit lang ang mga lugar na ito sa East Malaysian state ng Sabah, mas madali rin para sa mga recruiters na ibiyahe ang mga biktima nila sa pamamagitan ng barko o ang iba nga ay sa simpleng bangka at sila ay makakarating agad sa coastal areas ng Sabah.
Walang humpay ang biyahe ng mga barko na magdadala ng ating mga kahabag-habag na mga kababayan sa Sabah hangga’t patuloy din na kumakalam ang tiyan, humahapdi ang sikmura at namumuti ang mga mata sa gutom.
Isang hamon ito sa Aquino administration--- na kailangang paigtingin ang pagdadala ng basic services gaya ng edukasyon, pangkalusugan, rural infrastructure at maging agrikultura sa Western Mindanao upang mabawasan o tuluyang mawala na talaga ang human trafficking sa bahaging ito ng ating bansa.
Kailangang habulin ng mga otoridad ang illegal recruiters dahil sarili nilang kababayan, kaibigan at kamag-anak ang binibiktima nila. Ikalaboso sila. Hindi puwedeng maging bingi o bulag ang pamahalaan sa hinaing ng mga kababayan kundi ay patuloy na tataas ang bilang ng mga biktima ng human trafficking sa Western Mindanao.
At huwag naman nating hahayaan na ang susunod na Jose Rizal ng ating bayan ay sasakay sa susunod na barko na aalis patungong ibang bansa upang maging biktima ng human trafficking.